MANILA, Philippines – Nakikiisa ang Philippine National Police (PNP) sa search and rescue operations para sa hindi bababa sa 16 kataong naitalang nawawala matapos ang mga nagdaang sama ng panahon, ayon kay acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. nitong Martes.
“I have already ordered our territorial forces to assist in the operations to locate those on the missing list… Huwag natin silang bibiguin,” ani Nartatez, sabay giit na dapat maramdaman ng mga pamilya na ginagawa ng gobyerno ang lahat upang mahanap ang kanilang mahal sa buhay.
Ayon sa NDRRMC, 12 sa mga nawawala ay mula Eastern Visayas, dalawa sa Oriental Mindoro, at tig-isa mula Bicol Region at Western Visayas.
Dagdag ni Nartatez, nakikipag-ugnayan ang PNP sa NDRRMC at mga lokal na pamahalaan para sa post-disaster response, kabilang ang pamamahagi ng relief goods at rehabilitasyon sa Masbate, mga lalawigan ng Mindoro, at iba pang lugar na matinding tinamaan ng bagyong Opong. RNT