Home NATIONWIDE PNP walang natanggap na impormasyon sa banta vs VP Sara – exec

PNP walang natanggap na impormasyon sa banta vs VP Sara – exec

MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Martes na wala itong natanggap na impormasyon sa umano’y banta laban kay Vice President Sara Duterte.

“On the part of the PNP ay wala naman po tayong natatanggap na ganiyang information,” pahayag ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo sa isang panayam.

“We are assuming and presuming na ito ay naparating sa VPSPG (Vice Presidential Security and Protection Group) na nasa ilalim naman ng Presidential Security Command dahil ang pangangalaga po ng seguridad ng ating Pangalawang Pangulo at Presidente ay nasa pangangalaga ng Presidential Security Command,” dagdag niya.

Inihayag ni Duterte nitong Sabado na ipinag-utos niyang ipapatay si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sakaling magtagumpay ang umano’y plano laban sa kanya.

Subalit, kalaunan ay nilinaw niyang binibigyang-diin lamang niya ang umano’y banta sa kanyang seguridad.

“Sinabi ko, ‘Kung mamatay ako.’ Ibig sabihin in the first place, meron nang threat sa akin. But they simply do not care that I am also concerned about my security because I hear things,” paliwanag ni Duterte. 

“May ginagawa na pong investigation ang PNP sa pangunguna po ng CIDG pagkatapos nga pong ipagutos ng ating Chief PNP na alamin po kung sino po itong tao na tinutukoy ng ating Vice President doon po sa kaniyang statement na binigay noong nakaraang Sabado. Kasama po yan sa iniimbestigahan ma-establish yung identity ng tao na tinutukoy,” ayon naman kay Fajardo.

Para naman sa National Bureau of Investigation (NBI), sunabi nitong wala silang sinisilip na  sinuman bilang potensyal na person of interest. 

“Wala pa po (na person of interest). Actually, ‘yan ang reason bakit gusto naming makausap si pangalawang pangulo natin, VP Sara. Ngayon po magse-serve ng subpoena ang aming mga ahente doon sa Office of the Vice President,” sabi ni NBI Director Jaime Santiago sa isang panayam. RNT/SA