MANILA, Philippines – Iginiit ng Philippine National Police (PNP) na walang espesyal o VIP treatment na ibibigay kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan habang siya ay naka-confine sa PNP General Hospital sa Camp Crame.
Si Bonoan ay kabilang sa mga pinatawan ng warrant of arrest ng Sandiganbayan kaugnay ng mga kasong plunder at graft na may kaugnayan sa umano’y anomalya sa mga flood control projects. Kabilang din sa mga inakusahan si Senador Jinggoy Estrada at tatlong opisyal ng DPWH-NCR.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., mahigpit na mino-monitor ang kalagayan ni Bonoan at agad siyang ihaharap sa mga judicial authorities kapag pinayagan na ng mga doktor.
Sinabi rin ni Nartatez na inatasan niya ang PNP Health Service at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na panatilihin ang buong transparency, mahigpit na seguridad, at tiyaking walang espesyal na pagtrato habang nasa kustodiya ng pulisya si Bonoan.
Na-confine si Bonoan matapos tumaas ang kanyang blood pressure sa 192/100 habang isinasagawa ang booking procedures kasunod ng kanyang pagsuko sa CIDG. Bagama’t pansamantalang bumuti ang kanyang kondisyon, muli siyang ibinalik sa ospital matapos tumaas muli ang kanyang blood pressure.
Ayon kay PNP Health Service Director PBGen. Portia Manalad, nananatili siyang under observation matapos makitaan ng elevated laboratory test results at sumasailalim pa sa pagsusuri ng mga medical specialist dahil sa kanyang edad at mga panganib sa kalusugan.
Samantala, sinabi ng PNP na idodokumento ang lahat ng kanyang pagkaka-confine, gamutan, at galaw habang nasa kustodiya upang matiyak ang patas at maayos na pagpapatupad ng batas.
Sinabi naman ni DPWH Secretary Vince Dizon na ang pagkakaaresto kay Bonoan ay patunay na walang pinipili ang pamahalaan sa pagpapanagot sa mga sangkot sa katiwalian. Aniya, ang mga kaso ay nakabatay sa matibay na ebidensya at magpapatuloy ang paghahabla sa iba pang responsable sa umano’y anomalya sa flood control projects. RNT/MND