MANILA, Philippines – Nagbabala ang kampo ni Vice President Sara Duterte na ang pagbabago sa 16-boto na conviction threshold sa impeachment trial ay maaaring magkaroon ng epekto sa interpretasyon ng iba pang voting requirements na nakasaad sa Konstitusyon.
Sa oral arguments nitong Miyerkules, sinabi ni defense counsel Michael Poa na hindi umano maaaring tingnan nang hiwalay ang panukalang ibaba ang bilang ng mga senator-judge na kailangan upang ma-convict ang Bise Presidente.
“If we were to lower the threshold here, we will not be lowering the threshold in a vacuum. May consequences po ’yan. Marami pong Constitutional provisions na maaapektuhan,” ani Poa.
Bilang halimbawa, binanggit niya ang mga constitutional provision kaugnay ng extension o revocation ng martial law, expulsion ng mga miyembro ng Senado, at pag-amyenda sa Saligang Batas.
“Are we going to also adjust the threshold in those provisions? Because if we’re to do that, hindi na po threshold ang tawag doon. Moving target na po ’yun para sa mga taong gustong mag-benefit from circumstances,” dagdag niya.
Iginiit ng depensa na dapat manatili sa 16 boto ang kailangan para sa conviction, alinsunod sa ruling ni Senate impeachment court presiding officer Francis Escudero noong Hulyo 6. Ayon kay Poa, walang “supervening event” na sapat upang baguhin ang naturang ruling makalipas ang mahigit dalawang buwan ng paglilitis.
Kabaligtaran naman ang posisyon ng House prosecution panel, na nagsasabing dapat ibatay ang two-thirds requirement sa mga senator-judge na aktuwal na nakikilahok sa proceedings. Ayon sa prosekusyon, ang pagsama sa mga hindi makalahok na senador sa denominator ay maaaring humantong sa “acquittal by default.”
Ang Senate impeachment court ang magpapasya kung pananatilihin o babaguhin ang 16-boto threshold na gagamitin sa impeachment trial ni Duterte. Ernie Reyes