Home NATIONWIDE Poe sa paghalili kay Pascual sa DTI: ‘Hindi totoo’

Poe sa paghalili kay Pascual sa DTI: ‘Hindi totoo’

135
0

MANILA, Philippines- Itinanggi ni Sen. Grace Poe nitong Huwebes ang mga espekulasyon na papalitan niya si outgoing Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual.

Epektibo sa Biyernes, bababa si Pascual sa kanyang pwesto upang bumalik sa pribadong sektor, base sa Malacañang nitong Miyerkules.

Kasunod ng kanyang resignation, lumitaw ang pangalan ni Poe bilang isa sa mga posibleng humalili kay Pascual.

“Hindi totoo na ako ay kinausap ukol dito,” mensahe niya sa mga mamamahayag.

Nang tanungin kung bukas siyang ikonsidera ang pwesto sa DTI, inihayag ng senador: “Sa anumang paraan ako makakatulong ay pribelehiyo pero nais kong tutukan ang trabaho ko sa Senado.”

Bilang bagong pinuno ng Senate committee on finance, sinabi ni Poe na tinututukan niya ang pagtiyak ng kaayusan ng budget hearings.

Nakatakdang simulan ng kanyang komite ang pagtalakay sa panukalang P6.352 trilyong national budget para sa 2025 sa Agosto 13.

“Napakahalaga na ang mga pondong ilalaan sa susunod na taon ay tunay na makakatulong paga-anin ang buhay ng ating mga kababayan at hindi mawawaldas o masasayang ang kaban ng bayan,” giit niya.

Matatapos ang ikalawa at huling termino ni Poe sa Senado sa Hunyo 2025. RNT/SA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here