Home HOME BANNER STORY POGO politics ibinabala ng PAOCC

POGO politics ibinabala ng PAOCC

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) laban sa “POGO politics,” o mga nagpapatakbo ng POGO na posibleng sumusuporta sa ilang kandidato sa 2025 Midterm Elections.

Ayon kay PAOCC spokesperson Dr. Winston Casio, nag-ooperate pa rin ang mga POGO at posibleng sumuporta sa ilang kandidato sa darating na eleksyon, Kahit pa ipinagbawal na ng Malakanyang ang operasyon nito.

“Meron pa rin ‘yang POGO politics na ‘yan, kasi ‘yung mga Chinese na nandiyan sa tabi-tabi, mga Chinese criminal syndicates,” ani Casio.

“Bagamat wala kami o iba pang mga ahensyang natuturo na siyang partikular na tao, hindi malayong isipin na meron din pinapatakbo mga ‘yan o tinutulungan,” dagdag niya.

Ani Casio, mayroon pa ring mga POGO na tuloy ang operasyon at kumuha pa ng mga karagdagang empleyado Kahit na ang dapat ay magsimula na itong magbalot-balot at ihinto ang kanilang operasyon, bago ang pagtatapos ng taon.

“Nung na-raid natin ito, mayroon tayong nakuha na mga bagong pasok lang.”

Ang pahayag ni Casio ay kasabay ng pagtanggap ng Commission on Elections ng mga certificate of candidacy para sa paparating na halalan.

Kabilang sa prospective candidates ay si dismissed Bamban Mayor Alice Guo, na iniuugnay sa mga POGO at criminal syndicate.

Ayon sa kanyang abogado noong Biyernes, maghahain si Guo ng kanyang COC ngayong linggo. RNT/JGC