MANILA, Philippines – Nagsagawa ng raid ang mga awtoridad sa isang 21-palapag na gusali sa Ayala Avenue, Makati matapos makatanggap ng ulat ukol sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) scam activities, ngunit hindi naabutan ang tinatayang 600 banyagang empleyado.
Pinangunahan ng Makati Business Permits and Licensing Office (BPLO), kasama ang pulisya at mga anti-crime agencies, ang operasyon laban sa Internet Gaming Licensees (IGLs) na sinasabing patuloy na nag-ooperate sa kabila ng POGO ban. Kinumpirma ni PAOCC Executive Director Gilbert Cruz na 21 kumpanyang may iba’t ibang pangalan ang sangkot sa umano’y scam operations.
Isa ang gusali sa mga unang POGO offices sa bansa, na kalaunan ay lumawak sa mas malalaking operasyon tulad ng mga hub sa Porac, Pampanga. Sa raid, natagpuan ang mga abandonadong opisina at workstation, pati na rin ang mga palatandaan ng mabilisang paglikas gaya ng mainit pang pagkain at malamig na kwarto mula sa kakapatay na air conditioning.
Isasailalim sa digital forensics ang mga nakumpiskang computer, cellphone, at iba pang devices, kung saan paunang natukoy ang mga script na may kaugnayan sa investment scams. Ayon kay DOJ Office of Cybercrime Head Agent Inna Protacio-Ladislao, ang presensya ng one-time PIN generators ay karaniwang ginagamit sa online financial scams.
Isang Chinese national na konektado sa naunang niraid na POGO hub sa Porac ang sumuko at isasailalim sa beripikasyon at posibleng deportasyon. Sa kabila ng ebidensya, itinanggi ng pamunuan ng gusali ang anumang koneksyon sa mga ilegal na aktibidad. RNT