Manila, Philippines – Sa himig ng pananalita ni Pokwang ay mahihinuhang nagtatampo siya sa GMA.
Mapapansin ‘yon sa interbyu sa kanya sa Showbiz Update nina Ogie Diaz at Mama Loi.
Inako kasi ni Pokwang ang blind item tungkol sa isang komedyana na mawawala sa isang daily show at papalitan ng isang dramatic actress.
Ang dally show ni Pokwang ay TiktokClock kung saan isa siya sa mga pioneer hosts.
“Ako ‘yung nasa blind item!” pag-amin niya.
Ang siste, hindi siya tinanggal kundi hindi na nag-renew ng kontrata.
Ito’y dahil hindi napagbigyan ang hinihingi niyang umento o increase sa kanyang talent fee, to think daw na mag-aapat na taon na ang programa.
Pokwang also cited the hard times these days tulad ng pagtaas ng mga bilihin.
Para sa kanya’y marapat lang daw inkrisan ang TF niya lalo’t siya bilang employer ay taun-taong nagbibigay ng increase sa sahod ng kanyang mga kasambahay.
Ipinagdiinan din ni Pokwang na nasa eskuwela na (Grade I) si Malia, ang anak niya kay Lee O’Brian.
Dahil nga tinabla siya ng GMA kung kaya’t hindi na siya nag-renew ng kontrata.
Anyway, may gourmet business naman daw siya na aalalay sa kanya lalo’t mabenta ang mga produktong ‘yon this time of the year.
Paglilinaw ni Pokwang, wala na daw siyang magagawa kung masama man ang loob ng GMA management sa ‘di niya pag-renew.
Ang kanya lang, sana ay hindi na siya ipina-blind item dahil nanahimik naman daw siya.
To top it all, sino daw ba ang hindi humihingi ng increase sa sahod? Ronnie Carrasco III