MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapabalik na sa kani-kanilang unit ang mga police escort na may mga kaanak na tumatakbo sa May 2025 elections.
Sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na bahagi ito ng pagsisikap na protektahan ang mga pulis mula sa partisan politics.
“Obligado ang mga miyembro ng PNP na ideklara kung mayroon o wala silang kamag-anak na tumatakbo sa anumang posisyon sa pulitika sa darating na Mayo 2025 bilang bahagi ng ating SOP (Standard Operational Procedure),” ani Fajardo sa isang press conference sa Camp Crame.
Aniya, natukoy ng PNP ang mga pulis na may mga kamag-anak na tatakbo sa halalan sa susunod na taon, lalo na sa lokal na antas.
“Doon sa mga pulis natin na may mga kamag-anak po, mga relatives o mga kakilala na tatakbo doon sa kanilang place of assignment ay iliipat po yan at ngayon ay nagi-imbentaryo na po yung ating DPRM [Directorate for Personnel and Records Management] at pinapa-declare na rin kung sino yung may mga kamag-anak,” dagdag pa niya.
Aniya, sakop ng recall ang mga police escort na nakatalaga sa mga pulitiko at pribadong indibidwal na tatakbo para sa halalan sa susunod na taon.
“This early, nag-warning na ang ating chief PNP na hindi po natin pahihintulutan na magkaroon po at magagamit po ang ating pagiging pulis para ma-impluwensyahan itong darating na election sa darating na May 2025,” aniya pa.
Magsisimula ang election period sa paghahain ng certificates of candidacy (COC) sa Oktubre 1 hanggang 8.
Binigyang-diin ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang responsibilidad ng PNP na itaguyod ang batas at kaayusan nang walang anumang pagkiling o partisan sa pulitika, na inuulit na ang sinumang opisyal na mapapatunayang nakikibahagi sa mga partisan na aktibidad o nakompromiso ang integridad ng puwersa ng pulisya ay haharapin nang naaayon. RNT