Home METRO Police official sa Caloocan, inireklamo ng bagitong pulis sa ‘pananakit, pagmumura’

Police official sa Caloocan, inireklamo ng bagitong pulis sa ‘pananakit, pagmumura’

3
0

MANILA, Philippines – Nagsampa ng kaso ang isang bagitong pulis laban sa kanyang immediate superior dahil sa umano’y paulit-ulit na pananakit at pagmumura sa kanya sa harap ng kanyang mga kabaro sa Caloocan City.

Ayon sa biktimang may ranggong Patrolman, nagsimula umanong sumiklab ang galit ng opisyal na may ranggong Lieutenant Colonel sa kanya nang umuwi siya noong gabi ng Hunyo 20 nang hindi nagpapaalam matapos siyang tawagan ng kanyang asawa hinggil sa hindi magandang kondisyon ng kanilang anak na babae.

Kinabukasan, kinompronta siya ng opisyal, pinagmumura, at ilang ulit umanong sinuntok sa sikmura bago umalis sa kanilang tanggapan sa District Special Operations Unit (DSOU) ng Northern Police District (NPD).

Ang pinakahuling insidente umano ng pagmamalupit sa kanya ng opisyal ay noong Martes nang utusan siya at ang kanilang striker na linisin ang Investigators’ Quarters ng kanilang tanggapan.

Aniya, pansamantalang nahinto ang kanyang paglilinis nang sabihan siya ng isang kasamahang pulis na suriin muna ang kanyang leave form. Dito na siya inabutan ng opisyal at agad na inupakan ng sunod-sunod na suntok sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan at mukha, na nasaksihan ng apat niyang kasamahan na pawang may ranggo ring Patrolman.

Matapos ang pambubugbog, inatasan siya ng opisyal na magpalit ng damit kaya’t nagkaroon siya ng pagkakataong magtungo sa Caloocan City Medical Center upang magpa-medical bago i-report ang pangyayari sa tanggapan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth. (Merly Duero)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here