Home NATIONWIDE Police ops sa KOJC compound paiimbestigahan ni Bato

Police ops sa KOJC compound paiimbestigahan ni Bato

MANILA, Philippines – Paiimbestigahan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang operasyon ng pulisya sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City kasabay ng pagtugis sa puganteng self-appointed son of God na si Apollo Quiboloy.

Kasabay ito ng itinakdang ocular inspection ni Dela Rosa, chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights.

Ayon kasi sa KOJC, naapektuhan na umano ng police operations ang academic rights at religious freedom ng grupo.

Dagdag pa, pinagbabawalan din ang mga miyembro nito na magtungo sa mga lugar gaya ng kanilang cathedral at basement kung saan ginagawa ang paghuhukay.

Bukas naman si Davao Region police chief BGen. Nicolas Torre III at ang mga awtoridad sa imbestigasyong ito ng Senado.

Handa rin silang magbigay ng impormasyon sa kanilang mga nadiskubre sa operasyon.

Naniniwala si Torre na magpapatuloy ang kanilang operasyon kahit matapos pa ang Senate hearing.

“Hindi titigil yan. I am very confident na after the Senate hearing baka lalo pang tumagal at lalo pa kaming bigyan ng imprimatur dahil magkakaalaman. We will show the things that we are seeing and we will show it to the public,” ani Torre.

Matatandaan na sinampahan ng reklamo si Quiboloy dahil sa sexual abuse.

Nakasuhan din ang mga ito kasama ang lima iba pa ng reklamo dahil sa qualified human trafficking at iba pang acts ng child abuse. RNT/JGC