Home SPORTS Best-of-the-Best’ taekwondo tilt  sisipa ngayong weekend

Best-of-the-Best’ taekwondo tilt  sisipa ngayong weekend

MANILA, Philippines — Nasa 750 black belters sa buong bansa ang lalahok sa 2024  Best-of-the-Best Taekwondo Championships na nakatakda sa Setyembre 7-8 sa Ayala Malls, Manila Bay sa Parañaque City.

Ang dalawang araw na kompetisyon, na may buong suporta ng Smart Communications at PLDT big boss Manny V. Pangilinan, ay bubuuin ng mga elite fighters na maglalaban sa iba’t ibang kategorya sa parehong Kyorugi (Free Sparring) at Poomsae (Forms).

Hahatiin ang  Kyorugi sa Senior, Junior, Cadet at Grade School – para sa lalaki at babae  – ang Poomsae ay mauuri sa Kinikilalang Poomsae, Indibidwal at Free Style Poomsae Indibidwal.

Dahil sa antas ng kompetisyon, tanging ang mga nanalo ng ginto at pilak na medalya sa iba’t ibang kompetisyon tulad ng sa UAAP, NCAA, AFP-PNP Olympics, Taekwondo Blackbelt Brotherhood, Taekwondo Blackbelt Sorority at Philippine Taekwondo Contingent ang kwalipikadong sumali sa event.

Sa suporta ni Pangilinan, umaasa ang Philippine Taekwondo Association na matukoy ang mga nangungunang bet ng bansa para sa susunod na Olympics na nakatakda sa Los Angeles sa 2028.

Tulad ng mga nakaraang tournament, gagamitin ng PTA ang PSS (Protective Scoring System) at ang ESS (Electronic Scoring System), electronic armors at medyas kasama ang IVR (Instant Video Replay) system para sa tumpak at patas na pagmamarka.