MANILA, Philippines – INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang patuloy na suporta sa Armed Forces of the Philippines (AFP) kasabay ng pagkumpirma ng Commission on Appointments (CA) sa 32 matataas na opisyal nitong Miyerkules.
Sa kanyang talumpati bilang vice chairperson ng committee on national defense sa Senado at CA, binigyang-diin ni Go ang katapangan at sakripisyo ng men and women in uniform at pinuri ang kanilang papel sa pagtiyak sa kaligtasan at seguridad ng bansa.
Pinasalamatan din ni Go ang naging kontribusyon ng mga opisyal ng militar sa mahahalagang sandali sa kasaysayan ng bansa, kabilang ang kanilang serbisyo sa panahon ng pandemya ng COVID-19 at ang kanilang pakikilahok sa mga kritikal na operasyong militar tulad ng pag-secure sa teritoryo at soberanya ng bansa, gayundin sa mga banta sa pambansang seguridad tulad ng nakaraang Marawi Siege at pakikipaglaban sa mga insurhensiya.
Ayon sa senador, napakahalaga ng AFP sa pangangalaga sa interes ng bansa kaya pinupuri niya ang lahat ng opisyal na na-promote.
“Sa lahat po ng mga na-promote sa araw na ito, maraming salamat sa inyong sakripisyo, serbisyo sa bayan. Mula noon, sa panahon ng pandemya nandidyan kayo. Giyera sa Marawi, sa Jolo, at iba pa. Salamat sa inyong serbisyo ,” anang senador.
“Ang inyong tapang at malasakit ay tunay na kahanga-hanga at nagbibigay pag-asa po sa bawat Pilipino,” pagtatapos ni Go.
Patuloy na isinusulong ni Go ang kapakanan at modernisasyon ng AFP at malaki ang naging papel niya sa pagtaas ng sahod ng militar at iba pang unipormado. Ito ay isang paraan niya para bigyang-pugay ang kanilang dedikasyon sa bansa.
Aktibo ring tinutulan ng senador ang mga panukalang makaaapekto sa mga pensiyon na karapat-dapat sa mga aktibo at retiradong tauhan ng militar.
Kinontra din ni Go ang mga panukala na mag-aatas sa mga tauhan ng militar na mag-ambag sa kanilang pension funds.
Kabilang sa mga kilalang opisyal na kinumpirma ng CA ay sina Lieutenant General Luis Rex Bergante, Commander ng Eastern Mindanao Command sa Davao; Lieutenant General Fernando Reyeg, Commander ng Visayas Command; at Major General Dennis Estrella, Commander ng Air Logistics Command sa Clark Air Base.
Kinumpirma rin sina Major General Jimmy Larida, Deputy Chief of Staff for Operations; Vice Admiral Alfonso Torres Jr., Commander ng Western Command; Vice Admiral Caesar Valencia, Philippine Military Academy; Major General Pedro Balisi Jr., Commander ng Armor Division; at Brigadier General Romulus Canieso, Deputy Commander ng Installation Management Command. RNT