NAGSIMULA nang mag-organisa ang gobyerno ng isang komperensiya para sa mga online gambling stakeholders, na layong makabuo ng mga patakaran laban sa gambling addiction sa Pilipinas.
Ito ang ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ikatlong episode ng kanyang podcast, kung saan tinanong siya kung bakit wala siyang nabanggit na online gambling policy sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address.
“The problem is not online gambling. The problem[s] are the social effects on our children and those who are addicted to gambling,” ayon sa Pangulo.
“We still have to form the policy on what we are going to do about online gambling, and to this end, I have already started to organize a — shall we — to convene a conference of those who are all the stakeholders,” dagdag pa niya.
Kabilang sa mga iimbitahan sa komperensiya ay ang mga pari, obispo, magulang, at mga regulating agencies.
“We’re trying to solve is that na hindi — ‘yun na nga, hindi malubog sa utang ang mga — ‘yung mga hindi naman — wala namang kaya pero napapasubo dahil sa sugal, mga bata na natututong magsugal,” ayon pa rin kay Pangulong Marcos.
“Let’s focus on that. Paano natin patitigilin ‘yan? These are the things that we are going to examine and we will come up with a plan to make sure that we address the problem,” aniya.
Nauna rito, napaulat na pinaplano na ngayon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magpatupad ng mas mahigpit na mga patakaran sa mga bangko at e-wallets.
Ito ay may layuning maprotektahan ang mga Pilipino laban sa mga panganib na dulot ng online gambling.
Sa isang statement, sinabi ng central bank na kabilang sa bagong panuntunan ang striktong beripikasyon gaya ng biometric checks tulad ng facial recognition upang masigurong tanging mga kuwalipikadong indibidwal ang maaaring gumamit ng kanilang pera para sa online gambling.
Dapat din aniyang magkaroon ng arawang limitasyon sa gambling-related transfers upang makatulong na mabawasan ang pinansyal na pagkalugi at paghigpitan ang oras ng pagbabayad sa online gambling.
Dapat ring i-update ng mga bangko at e-wallet providers ang kanilang mga application upang magbigay ng tools na maaaring gamitin ng users, gaya ng personal spending caps o ang opsyon para sa boluntaryong pagtigil mula sa pagsusugal.
Umaasa naman ang central bank na makakatulong ang mga hakbang na ito upang mabawasan ang adiksiyon sa online gambling at pinsala sa pananalapi, habang itinataguyod ang responsableng paggamit ng e-wallets at mga bangko.
Subalit nilinaw ni Pangulong Marcos na may pagkakaiba sa pagitan ng e-gambling at Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs), na kanyang ipinagbawal sa bansa mula pa noong simula ng taon.
“POGO itself was not — walang problema… Eh sinabayan ba naman ng human trafficking, ng credit card scam, na kung ano-ano na ang nangyayari, ‘di ba? ‘Yun ang naging problema,” aniya.
“It brings us to the same — the same situation with online gambling in general,” dagdag pa ng Pangulo, sabay sabing “This is not a criminal enterprise.”
“Gaming revenue in the Philippines jumped by 27 percent to P104 billion in the first quarter of 2025,” ayon sa datos ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).
“Of this number, 49.36 percent was from e-games revenue that was pegged at P51.39 billion in the first three months of 2025 alone,” batay pa rin sa datos.
Samantala, ang mga lisensiyadong casino ay kumita ng P49.28 bilyon sa nasabing panahon, na may katumbas na 47% ng kabuuang kita. Kris Jose