MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagnanais si San Miguel Corporation (SMC) president at CEO Ramon Ang nitong Biyernes, Agosto 8 na tutulong sa pagresolba ng problema sa pagbaha sa Metro Manila “at no cost to the government.”
Sa press conference kasama ang mga ahensya ng pamahalaan, nangako si Ang na tutulong sa flood mitigation projects, kabilang ang konstruksyon ng drainage systems at clearing operations, maging ang mga housing at school-building programs.
“Ako po San Miguel, Ramon Ang, nagvo-volunteer ako ngayon. Ako na ang tutulong sa buong Metro Manila ma-solve ang baha at no cost to the people at no cost to the government,” ani Ang.
Ito ay kasunod na nasisi ang kompanya ni Ang sa mga pagbaha sa ilang lugar kung saan nagpapatuloy ang kanilang mga proyekto.
“Kasalanan ba namin ‘yun? Hindi. Wala nang turuan. Pinalitan namin lahat ng kanal. Kami ang gumawa noon,” sinabi pa ni Ang.
Noong Hulyo ay sinita ng Department of Transportation (DOTr) ang mga contractor ng MRT Line 7 project at pamunuan ng Skyway na nasa ilalim ng SMC, sa mga isyu na umano’y nakadagdag sa matinding pagbaha sa ilang mga lugar.
Nilinaw ng SMC na ang mga pasilidad malapit sa Batasan Station ng Commonwealth Avenue “are not the cause of the flooding.”
“All MRT-7 structures in the area, including columns and footings, were built outside existing drainage lines and do not obstruct the natural flow of water. These were constructed with full consideration of the drainage layout and in compliance with approved engineering plans,” dagdag pa.
“Concerns that were raised about a manhole constructed along the drainage line have also been reviewed. Based on design, simulation, and on-site inspection, the manhole does not interfere with water flow inside the pipe culverts.” RNT/JGC