MANILA, Philippines – Sinabi ni Senador Risa Hontiveros nitong Biyernes, Agosto 8 na ang P1 bilyong investment ng Government Service Insurance System sa isang online gambling platform ay hindi narehistro sa Securities and Exchange Commission.
“Naku po, napag-alaman na naming una na hindi rehistrado sa SEC ‘yung mga shares na ‘yun sa petsang nagkaroon ng kasunduan at talagang binili ‘yan,” sinabi ni Hontiveros sa panayam ng GMA News.
Ito ay tugon niya sa pahayag ng GSIS na nagpaliwanag sa online gambling investment nito.
Sinabi ng GSIS nitong Lunes na ang social insurance fund ay “remains strong, secure, and actuarially sound.”
Ayon sa GSIS, noong Hunyo ay mayroon silang kabuuang assets na P1.88 trilyon at naitalang Net Operating Income na P76.82 bilyon na nagrerepresenta sa 31% pagtaas kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Sinabi pa ng ahensya na tuloy-tuloy itong nakakatanggap ng five-year average return sa mga investment sa 6.75%.
Sa kabila nito, sinabi ni Hontiveros na “Mismong ang Commission on Audit ang nagbabala na sa ganiyang mga investment ng GSIS, in fact, nanganganib ‘yung actuarial life ng GSIS o ng pension funds ng ating mga government employees.”
“Higit pa nga d’yan sa actuarial life, ay hindi talaga daw in-exercise ng GSIS ‘yung fiduciary responsibility sa paghawak nila ng pondo ng ating government employees,” dagdag pa niya.
Anang senador, inaasahan niya ang pakikipagtulungan ng GSIS sa planong imbestigasyon ng Senado kaugnay ng isyu.
Wala pang tugon ang GSIS kaugnay ng sinabi ni Hontiveros. RNT/JGC