Home NATIONWIDE Polusyon sa Metro Manila bumaba habang naaapula sunog sa Navotas landfill

Polusyon sa Metro Manila bumaba habang naaapula sunog sa Navotas landfill

79
0
via PhilSA

MANILA, Philippines – Ipinakita ng datos mula sa Philippine Space Agency (PhilSA) na bumaba ang lebel ng nitrogen dioxide (NO₂) sa Metro Manila at mas mababa na ito kumpara bago sumiklab ang sunog, sa loob ng dalawang magkasunod na araw.

Ayon sa PhilSA, tumugma ang datos sa ulat noong Abril 28 na may “significant progress” sa pag-apula ng sunog sa Navotas landfill, na nagsimula umano noong Abril 10.

Ang nitrogen dioxide ay isang pollutant na nagmumula sa pagsusunog at bahagi ng usok, at maaari ring manggaling sa sasakyan at mga planta ng kuryente.

“Lower NO₂ concentrations indicate a reduction in the volume of smoke emitted from the landfill fire,” ayon sa PhilSA.

Suportado rin ito ng ground measurements ng Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau (DENR-EMB), na nagpakitang bumuti ang antas ng particulate matter (PM) sa Metro Manila noong Abril 28 at 29.

“PhilSA will continue monitoring NO₂ to assist in quantifying the impact of ground interventions,” dagdag ng ahensya. Pinayuhan din ang publiko na sundin ang mga abiso ng mga health agency.

Bukod sa kalidad ng hangin, sinusubaybayan din ng PhilSA ang lawak ng nasunog sa landfill gamit ang satellite images. Batay sa kuha noong Abril 26, tinatayang umabot sa 31.95 ektarya o humigit-kumulang 319,500 metro kuwadrado ang nasunog.

“Comparing with the burnt area estimate from 16 April, there was an estimated 0.89 hectares decrease in burnt area in the southern part of the landfill while an increase of around 3.10 hectares was detected in the eastern part,” ayon sa PhilSA.

Nilinaw ng ahensya na ang datos ay batay lamang sa imahe noong Abril 26 at hindi pa sumasalamin sa kasalukuyang sitwasyon. Dagdag pa nito, ang satellite data ay tumutukoy lamang sa mga nasunog na lugar at hindi sa mga aktibong nasusunog.

Ayon sa PhilSA, nakakatulong ang satellite monitoring sa mas malawak na pagsubaybay at sa pagtukoy ng mga prayoridad sa pagtugon sa sakuna, pati sa mas maayos na pagdedesisyon ng mga kinauukulan. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here