MANILA, Philippines – KINUESTIYON ni Sen. Risa Hontiveros ang mga remittance na natanggap ng CaLe88 Foods Corp., isang kumpanyang may kaugnayan sa asawa ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Manases Carpio, mula sa isang Ukrainian firm na iniimbestigahan umano kaugnay ng fraud at money laundering.
Sa impeachment trial ni Duterte noong Biyernes, Oktubre 9, tinukoy ni Hontiveros ang Arkmen LLC, isang kumpanyang nakarehistro sa Ukraine sa ilalim ng registration number 41423974.
Ayon sa senador, batay sa pagsusuri ng kanyang opisina, tumutugma ang registration number at address ng Arkmen sa isang kumpanyang sangkot sa criminal proceedings sa Ukraine na sinimulan noong Mayo 19, 2025.
May kaugnayan umano ang imbestigasyon sa mga alegasyon ng fraud at money laundering na kinasasangkutan ng 1.225 milyong euro.
Sinabi ni Hontiveros na huling nagpadala ng remittance ang Arkmen sa CaLe88 noong Mayo 30, 2025, o 11 araw matapos simulan ang nasabing criminal proceedings.
Inihayag din ng senador na nag-utos ang Pechersky District Court sa Kyiv ng paghahalughog sa tanggapan ng Arkmen noong Marso 2026, habang iniutos naman noong Abril ang pag-freeze sa 100% shareholding ng isang suspek sa kumpanya.
Dahil dito, tinanong ni Hontiveros si Bureau of Internal Revenue (BIR) Office of the Commissioner Chief of Staff Anne Loraine Garcia-Marquez kung dapat ideklara bilang sales ang mga naturang remittance sakaling nagmula ang mga ito sa lehitimong transaksyon.
“Kung ito po ay sales po, then it should have been reported po in the annual income tax return,” sagot ni Garcia-Marquez.
Kinumpirma rin ng opisyal na may koordinasyon ang BIR at Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa pagsusuri ng mga posibleng paglabag sa buwis.
Batay sa datos na inilahad sa pagdinig, umabot sa mahigit P208 milyon ang iniulat na sales ng CaLe88 mula 2021 hanggang 2025, habang tinukoy ni Hontiveros ang humigit-kumulang P776 milyong fund inflows na naitala sa mga covered at suspicious transaction reports ng AMLC.
Gayunman, hindi nangangahulugan na ang lahat ng pondong pumasok sa kumpanya ay kita mula sa benta o nagmula sa ilegal na aktibidad.
Kabilang ang CaLe88 sa mga kumpanyang sinusuri sa kaugnay na tax audit at impeachment proceedings na tumatalakay sa mga alegasyon ng undeclared wealth at business interests ni Duterte.
Wala pang pinal na pagtiyak na may paglabag sa batas ang CaLe88 kaugnay ng remittance mula Ukraine. Hindi rin ipinakita sa nasabing pagdinig na direktang sangkot sina Duterte at Carpio sa iniimbestigahang kaso sa Ukraine. RNT