Home TOP STORIES Pondo pangkalusugan ng Marikina, nagamit sa ibang gastusin

Pondo pangkalusugan ng Marikina, nagamit sa ibang gastusin

MANILA, Philippines  – Kinuwestiyon ng Commission on Audit (COA) ang sinasabing paggamit ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina, sa pangunguna ni Mayor Marcy Teodoro, ng milyon-milyong pisong pondo para sa kalusugan sa mga gastusing walang kaugnayan dito, kabilang ang biyahe sa Vietnam, imprastraktura, at pagbili ng kagamitan.

Ayon sa COA report, nabigong itatag ng lungsod ang Special Health Fund (SHF) na itinatadhana ng Universal Health Care (UHC) Law, kaya ginamit ang Trust Fund-HCI (TF-HCI) para sa mga bayad mula PhilHealth. Sa halip na ilaan ito sa serbisyong pangkalusugan, P45.6 milyon ang nagamit sa iba pang gastusin.

Natukoy sa ulat ang P2.3 milyong cash advance para sa biyahe ng mga opisyal ng lungsod sa Ho Chi Minh City, na walang ebidensyang may kinalaman sa health programs. Nadiskubre rin umano ang paggamit ng pondo sa pagkain, inumin, IT equipment (P8 milyon), imprastraktura (P25 milyon), at iba pang gastusin (P91 milyon).

Depensa naman ng lokal na pamahalaan, bahagi ng “savings” ang nailipat na pondo.

Ngunit itinuwid ito ng COA, na nagsabing ang “savings” ay nalilikha lamang kung natugunan na ang orihinal na layunin ng pondo.

Bukod pa rito, kinuwestiyon din ng COA ang hindi awtorisadong paglipat ng pondo mula trust fund patungo sa general fund upang ipambili ng gamot para sa City Health Office—isang paglabag sa Presidential Decree 1445.

Iminungkahi ng COA sa lungsod ng Marikina na agad nitong buuin ang isang lehitimong Special Health Fund at tiyakin na ang lahat ng reimbursement mula sa PhilHealth ay mapupunta sa tamang pondo at gagamitin lamang para sa mga programang pangkalusugan, alinsunod sa UHC Law. RNT