
MANILA, Philippines – Kasunod ng pagtatapos ng pagdiriwang ng National Teachers’ Month at World Teachers’ Day, nanindigan si Senate President Win Gatchalian na isusulong nito ang paglalaan ng pondo para sa bagong posisyon ng guro sa ilalim ng Department of Education (DepEd).
Sa kasalukuyan, walang pondong inilaan ang panukalang 2027 National Expenditure Program (NEP) para sa mga bagong posisyon ng guro. Matatandaang humihiling ang DepEd ng ₱4.29 bilyon upang kumuha ng 14,274 bagong guro at matugunan ang pangangailangan ng mga paaralan.
Bagama’t nilinaw ng DepEd at Department of Budget and Management na may ₱31.22 bilyon pang magagamit upang punan ang 64,530 kasalukuyang bakanteng posisyon, binigyang-diin ni Gatchalian na mahalaga pa ring madagdagan ang bilang ng mga guro sa sektor ng edukasyon.
“Ang ating mga guro ang may pinakamahalagang papel sa edukasyon ng ating mga kabataan.
Kung mananatiling kulang ang ating mga guro, ang pagkatuto ng ating mga mag-aaral ang lubos na mapipinsala,” ani Gatchalian.
Kasunod ng resulta ng 2025 Programme for International Student Assessment (PISA) ang panawagan ni Gatchalian na dagdagan ang bilang ng mga guro.
Lumabas sa PISA 2025 na 19% ng mga mag-aaral na Pilipino ang nag-aaral sa mga paaralan kung saan iniulat ng mga punong-guro na, sa ilang paraan, nahahadlangan ng kakulangan ng mga guro ang pagtuturo.
Bagama’t mas mababa ito sa 43% na naitala noong 2022, ipinakita rin ng PISA 2025 na mas mababa ang marka sa agham ng mga mag-aaral sa mga paaralan kung saan iniulat ng mga punong-guro ang mas matinding kakulangan sa mga guro at iba pang mga kawani. Ernie Reyes