MANILA, Philippines – Gustong gawing permanenteng alokasyon ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang pondo apra sa Gulayan sa Barangay at Paaralan Program bilang tugon laban sa gutom, malnutrisyon at pagkabansot habang pinalalakas ang seguridad sa pagkain sa antas ng komunidad.
Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan na inihain kamakailan ang Senate Bill No. 2380, na kikilalanin bilang Gulayan sa Barangay at Paaralan Act, na nagsasabing “aims to improve food access and strengthen household food security by institutionalizing community- and school-based gardens that produce fresh and nutritious vegetables and other products.”
“Hindi tama na may mga ka-barangay at mag-aaral tayong kumakalam ang sikmura, lalo na’t kung pwede at kaya naman nating magtanim at umani sa sarili nating mga komunidad. Ipinakita na ng programang ito ang tagumpay sa mga barangay at paaralan na nagpatupad nito,” ayon sa senador.
“Sa pagsasabatas, paiigtingin natin itong programang isinasabuhay ang bayanihan. Tataniman ng magkakapitbahay mismo ang lupa at espasyo para sa mga community gardens, at pagsasaluhan ang mga masustansya at masaganang bunga nito,” dagdag niya.
Nakatakda sa programa na inaatasan ang bawat barangay na maglaan ng akmang lugar para sa community farming. “Public schools, when there are available lots, will also be tasked to implement the program.
Sa ngayon, ayon sa mambabatas nakasandig ang programa sa administrative orders lamang pero ipinunto nito na maaaring magkaroon ng inconsistencies sa implementasyon ng programa sa ilang lokalidad at kapag nababago ang patakaran ng gobyerno.
“Hindi dapat one-time project ang paglaban sa gutom. Kailangan itong maging tuloy-tuloy, organisado, at bahagi ng ating pambansang programa sa food security,” ani Pangilinan.
Sakaling maipasa, inatasan ng panukala ang Department of Agriculture, Department of the Interior and Local Government, at Department of Education na pangunahan ang programa.
Kukunin ang badyet, ayon sa senador, sa kasalukuyang pondo ng tatlong ahensiya pagkatapos nito, isasama na sa taunang alokasyon sa pambansang badyet.
Sakop ngayon ng Gulayan sa Barangay at Paaralan Program ang mahigit 44,965 paaralan sa buong bansa na sinabi ng DepEd na aabot sa 94% ng public schools ang may aktibong halamanan
“Walang tunay na pag-unlad kung may mga pamilyang natutulog na gutom at may mga batang hindi lumalaki nang malusog dahil kulang sa pagkain. Ang tunay na sukatan ng tagumpay ay kung tayong lahat ay may access sa masustansya at abot-kayang presyo ng pagkain,” dagdag niya. Ernie Reyes