MANILA, Philippines – Tiniyak ni Senador Edgardo “Sonny” Angara na bibigyang prayoridad ang pondo sa General Appropriations Act na nakalaan sa teaching supplies ng lahat ng public school teachers upang makatulong sa pagtuturo sa ating kabataan.
Kilala bilang chalk allowance, inilaan ang taunang badyet sa guro bilang pambili ng kailangang supplies at materyales sa pagtuturo.
Sinabi ni Angara na patuloy na tumataas ang halaga ng chalk allowance sa nakaraang taon mula sa P700 kada taon noong 2011 na naging P1,000 sa 2012; P1,500 sa 2016; P2,000 sa 2017; P3,500 sa 2018; at P5,000 mula 2021 hanggang ngayon.
“Since taking over as chairman of the committee on finance in 2019, we have ensured that the teaching supplies allowance is always funded. The P5,000 a year that is currently being received by our teachers was already provided in 2021 even though the new law that will increase the amount was still in the pipeline,” aniya sa pahayag.
Ayon sa senador, umabot sa P392 million ang nakalaan noong 2010 para sa P700 kada taon sa teaching supplies allowance ng 557,453 public school teachers.
Pero, dumadami ang bilang ng guro kada taon kaya kailangan ang mas malaking badyet para mailaan sa annual teaching supplies allowance
Ipinaliwanag ni Angara na nitong 2015, P1 billion ang inilaan para sa 681,024 teachers, at mula 2021 hanggang ngayon, umabot sa P4 billion. Sa ngayon, umabot sa 965,082, ang bilang ng guro nitong 2024.
“Mahalaga na matugunan natin ang pangangailangan ng ating mga guro sa pagturo ng mga kabataan. Hindi na dapat nangyayari na nag-aabono pa ang mga guro para bumili ng supplies dahil sa kulang ang allowance na galing sa pamahalaan,” ayon kay Angara.
Isa si Angara sa awtor ng Senate Bill No. 1964, o ang Kabalikat sa Pagtuturo Act, na isinabatas ang pagbibigay ng allowance sa teaching supplies upang matugunan ang tumataas na halaga ng pangangailangan ng guro sa public school sa buong bansa.
Niratipikahan ng Senado at Mababang Kapulungan ang committee report sa Senate Bill No. 1964 na nasa Office of the President para rebyuhin at lagdaan.
Sakaling malagdaan, mabibigyan ng P10,000 kada taon ang allowance sa teaching supplies sa public school teachers. Ernie Reyes