Home NATIONWIDE Solon naaalarma sa lumulobong bilang ng nalulunod sa swimming pool

Solon naaalarma sa lumulobong bilang ng nalulunod sa swimming pool

MANILA, Philippines – Lubha nang naalarma si Senador Sherwin Gatchalian sa lumulobong bilang ng nalulunod sa swimming pool at iba pang pinagliliguan sa panahon ng bakasyon kaya’t muling isinulong ang pagsasabatas ang panukalang magtatagala ng lisensiyadong lifeguards sa lahat ng bathing facilities.

Sa ilalim ng Lifeguard Act of 2022 (Senate Bill No. 1142) na inihain ni Gatchalian, magiging mandato sa mga pool operator ang pagkakaroon ng isang certified lifeguard kada public swimming pool na ginagamit nang libre o kaya naman ay para sa negosyo.

Kabilang dito ang mga pool sa mga hotel, inn, motel, condominium buildings, clubhouses, at iba pang pampublikong lugar o tirahan maliban sa mga tahanang para sa isang pamilya.

Sa ilalim pa rin ng panukalang batas, minandato ang pagkakaroon ng karagdagang lifeguard sa bawat sobrang 250 square meters kada pool. Dapat may angkop na sertipikasyon ang mga lifeguard na ito mula sa mga pambansang organisasyong may accreditation at pagkilala mula sa Department of Health (DOH).

Habang papainit nang papainit ang panahon sa maraming bahagi ng bansa, patuloy na hinihimok ni Gatchalian ang pag-iingat lalo na’t pinakamataas ang bilang ng mga namamatay dahil sa pagkalunod sa panahon ng tag-init.

Noong 2022, naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) na may 3,576 na binawian ng buhay dahil sa pagkalunod. Pinakamataas ang bilang ng mga naitalang namatay dahil sa pagkalunod noong mga buwan ng Marso (317), Abril (391), at Mayo (345.).

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang pagkalunod ang isa sa limang pangunahing sanhi ng pagkamatay sa mga batang may edad isa hanggang 14 taong gulang.

“Nakakalungkot at nakakabahala na sa panahong masaya dapat tayo kasama ng ating mga pamilya sa bakasyon, siya namang dating ng trahedya dahil sa pagkalunod. Maaari nating maiwasan ang ganitong mga insidente kung magpapatupad lamang tayo ng mga hakbang para sa kaligtasan ng ating mga kababayan, kabilang ang paglalagay ng mga kwalipikadong lifeguard sa mga pampublikong swimming pool,” ani Gatchalian.

Nakasaad din sa panukalang batas na dapat magbigay ang mga pool operator sa mga local government units (LGUs) ng mga certification at supporting documents upang patunayan ang pagtatalaga nila ng mga kinakailangang bilang ng lifeguard.

Mandato naman sa mga LGU na tiyaking sumusunod ang mga public swimming pools sa mga itinakdang pamantayan, at aprubahan ang mga permit matapos ang beripikasyon ng mga kinakailangang dokumento.

Mandato rin sa mga LGU ang mga regular na inspeksyon na isasagawa ng mga Local Health Officers o iba pang mga kwalipikadong kawani. Ernie Reyes