Eksaktong 1:25 ng umaga ng Biyernes, Enero 10 nang tuluyan nang makapasok sa loob ng Simbahan ng Quiapo ang imahe ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Kumpara sa mga nagdaang selebrasyon, tumagal ngayong taon ng hanggang mahigit 21 oras ang Traslacion na dinuhan ng milyong deboto.
Huwebes ng umaga, Enero 9, pagsapit ng Andas sa Katigbak Drive at Roxas Blvd ay dalawang grupo na ng deboto ang nag-agawan sa lubid na nauwi sa sakitan.
Sa unang pagkakataon, nagdeploy ang MPD ng sasakyan ng SWAT na umiikot ay nagpapaalala sa mga mga deboto ng mga protocols.
Ilang indibidwal din ang naitalang minor cases na nasugatan ng Philippine Red Cross (PRC) na sa huli nilang datos ay umabot sa 568 na indibidwal kasama ang ilang major cases.
Sa Plaza Miranda kung saan may mga nakabarikadang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), kahit pa makapal ang kanilang barikada ay hindi pa rin ito kinaya ang dami ng mga deboto.
Nagmistulang dagat na umaalon ang dagsa ng mga deboto kasama na ang mga hijos at mga nagsimba.
Alas 11:17 ng gabi nang isara ang gate at pinto ng Basilica at puwesto na ang pulutong ng mga pulis habang inaabangan ang pagbabalik ng Poon sa kanyang bahay.
Bago nakarating sa Simbahan, bumagal ang Traslacion sa bahagi ng Conception Aguila Street patungong San Sebastian Church para sa tradisyunal na ‘Dungaw’ dahil marami pa rin ang mga sumasalubong sa Andas at kanya-kanyang diskarte sa makikipot na Daan upang makahawak sa Poon.
Pagsapit sa San Sebastian, naputol ang isa pang lubid dahilan para lalong bumagal ang usad ng Andas ng Traslacion bukod pa sa napakalipot na kalsada.
Ayon sa Quiapo Church, maraming deboto ang dumagsa bandang hapon dahil mga humabol galing sa kanilang trabaho sa ibang lungsod bukod pa sa holiday sa Maynila, bukod pa sa maganda ang panahon nitong Huwebes.
Aminado naman ni Alex Irasga, ang technical adviser ng Quiapo Church at Nazareno 2025, na hindi talaga maiiwasan na napuputol ang lubid sa Traslacion.
Sinabi rin ni Irasca na siya mismo ang nagpaputol at nagpalagare sa lubid sa may San Sebastian Church dahil nagbuhol-buhol na ito sa gulong ng Andas.
‘Ako ang nagpaputol [lubid] dahil nagkabuhol buhol na, pumapasok na sa gulong, mas bumilis pa nga eh,” ani Irasca.
Nilinaw din ni Irasca na hindi natanggal ang isang gulong ng Andas kundi ang lubid ang pumulupot sa gulong na kinailangan nilang lagarein.
Sa unang ilang oras ng Traslacion, Huwebes ng umaga ay natanggal o naputol na rin ang isang lubid na hila-hila ng mga deboto.
Sa Hidalgo Street muling natagalan ang paglabas ng Andas pakaliwa sa southbound ng Quezon Boulevard kanan sa Palanca Street patungong Villalobos Street papasok ng Plaza Miranda.
Napansin din na pawang mga pulis na na unipormado ng Type B ang nakasakay sa Andas paglabas sa Hidalgo Street upang hindi na masampahan pa ng mga deboto.
Samantala, nagpapatuloy pa rin ang pagdadaos ng banal na Misa na umabot sa 31 kasama ang Misa na idinaos sa Quirino Grandstand.
Ang tema ng Kapistahan ng Quiapo ngayong Taon ay “Mas Mabuti ang Pagsunod kaysa Paghahandog”.
Sa mensahe ni Fr. Robert Arellano sa mga deboto, walang silbi ang pagsisimba, pagsasalya at pakikipagsiksikan kung hindi marunong sumunod sa Diyos.
“Sa pagsunod sa Diyos ang buhay ng tao ay umaayos,” mensahe pa ni Fr.Arellano.
Dahil nahirapan nang umusad dahil sa kawalan na ng mga lubid ay tumulong na ang mga batang Quiapo para kunin o salubungin ang Andas para mabigyan ng maayos na daraanan pabalik ng Minor Basilica.
Samantala, sa datos ng Manila LGU, umabot sa 2.2 milyon deboto ang sumama sa Traslacion as of 2pm.