VATICAN – Binali ni Pope Francis ang tradisyon ng Simbahang Katolika sa paglilibing sa kanyang mga labi sa St. Mary Major.
Matatandaan na nauna nang inanunsyo ng Santo Papa na nais niya ang simpleng burol at paglilibing sa kanyang mga labi.
Nitong Lunes, Abril 21, ay ibinalita ng Vatican na pumanaw na si Pope Francis sa edad na 88.
Ang funeral para kay Pope Feancis ay isasagawa sa St. Peter’s Square, sa harap ng Basilica of St. Peter, sa Sabado. Sa lugar na ito karaniwang inililibing ang mga yumaong Santo Papa.
Sa kabila nito, pinili ng Papa ang Basilica of Santa Maria Maggiore (St. Mary Major), isa sa apat na simbahan ng Christendom sa Rome, bilang kanyang maging himlayan.
Hiniling ni Pope Francis, ayon sa nakasaad sa testamento, na nais niyang mailibing “in the earth, simple, without particular decoration” at ang ilalagay lamang ay ang kanyang papal name sa Latin na, “Franciscus.”
Ang huling Santo Papa na inilibing sa labas ng Vatican ay si Leo XIII na pumanaw noong 1903.
Ang St. Mary Major ay nasa apat na kilometro mula sa Vatican na malapit sa puso ni Pope Francis dahil sa kanyang debosyon kay Maria, ang Ina ng Diyos.
Sa lugar na ito siya nananalangin kapag aalis at kapag bumabalik mula sa kanyang mga overseas trip.
“I’ve always had a great devotion to St. Mary Major, even before I became pope,” sinabi ni Pope Francis sa kanyang 2024 book na “El Sucesor” (The Successor). RNT/JGC