Home NATIONWIDE Pope Francis nag-alay ng panalangin sa mga biktima ng bagyong Kristine

Pope Francis nag-alay ng panalangin sa mga biktima ng bagyong Kristine

MANILA, Philippines – Nag-alay ng panalangin si Pope Francis sa mga Filipino na naapektuhan ng paghagupit ng bagyong Kristine na sumira sa maraming lugar sa Luzon kabilang ang CALABARZON at Bicol Region.

Ginawa ng Santo Papa ang pahayag sa kanyang Angelus address sa Vatican nitong Linggo, Oktubre 27, ayon sa ulat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

“I am close to the population of the Philippines, struck by a powerful cyclone. May the Lord support that people, so full of faith,” ayon sa ulat na binanggit ang Santo Papa.

Sa pinakahuling datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ipinakita na ang bilang ng namatay dahil sa bagyong Kristine ay umabot na sa 116 noong Oktubre 28

May kabuuang 10 na ang na-validate at ang iba ay inaalam pa.

Iniulat din ang 39 na missing at 109 iba pa ang iniulat na sugatan, ayon sa NDRRMC.

Naapektuhan din ng bagyong Kristine ang 6.7 milyong katao o 1.6 milyong pamilya sa 10,147 barangay sa buong bansa.

Sa nasabing bilang, 980,355 indibidwal ang nawalan ng tirahan at kailangang manatili sa 6,286 evacuation centers.

Nagdulot din ang bagyo ng P2.5 bilyong pinsala sa agrikultura at P1.5 bilyong halaga ng pinsala sa imprastraktura.

Hindi bababa sa 160 lungsod at munisipalidad ang isinailalim sa state of calamity dahil sa tropical storm. Jocelyn Tabangcura-Domenden