Home NATIONWIDE Porsyento ng kababaihan sa labor force mas mababa kumpara sa kalalakihan –...

Porsyento ng kababaihan sa labor force mas mababa kumpara sa kalalakihan – PSA

MANILA, Philippines- Mas maliit na bilang ng mga kababaihang Filipino na edad 15 taong gulang pataas ang nabibilang sa labor force ng bansa kumpara sa mga kalalakihan.

Makikita sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na may 21.9 milyong kababaihan o 56.27% ang kasali sa labor force “as of December 2023.”

Mas mababa ito sa partisipasyon ng mga kalalakihan na may rate na 76.97% o 30.2 milyon.

Sa naturang pigura, may 21.1 milyong kababaihan ang may trabaho, mas mababa kaysa sa 29.3 milyong kalalakihan na mayroong trabaho.

Sa December 2022 data nito, sinabi ng PSA na may 20.6 milyong kababaihan ang nasa Lakas Paggawa (Labor Force) kumpara sa 29.1 milyong kalalakihan.

Kaunting bilang naman ng mga kababaihan ang underemployed, ito’y mga nagpahayag ng kanilang hangarin na magkaroon ng karagdagang oras na magtrabaho sa kanilang kasalukuyang trabaho o magkaroon ng karagdagang trabaho o magkaroon ng bagong trabaho na may mahabang oras ng trabaho.

Tinatayang may 2.1 milyong kababaihan ang underemployed habang 3.9 milyon naman ang mga kalalakihan.

“As to the major industry divisions, women are mostly employed in wholesale and retail; repair of motor vehicles and motorcycles; and personal hygiene goods industry.  Men are in agriculture, hunting, and forestry,” ayon sa ulat.

Marami ring kababaihan na overseas Filipino workers kaysa sa mga kalalakihan, 1,099,000 kumpara sa 726,000.  Ang pinaka- karaniwang destinasyon para sa mga ito ay Saudi Arabia.

“While they have a lower labor participation rate, women earn more than men,” base sa PSA.

Samantala, makikita naman sa isang 2022 Occupational Wages Survey na ang mga kababaihang manggagawa ay nakatanggap ng P745.8 daily o P14,916 median monthly basic pay habang ang mga kalalakihan naman ay nakakukuha ng P720.65 o P14,413.

Nito lamang Enero ng taong kasalukuyan, sinabi ng PSA na ang unemployment rate sa bansa ay bumaba sa 3.6%, o 1.83 milyong walang hanapbuhay na mga Filipino. Kris Jose

Previous articleUgnayan ng PH, Australia sa ekonomiya, agri, tanggulan palalalimin
Next articleSuspek sa pagpatay sa barangay chairman sumuko