MANILA, Philippines – Binabantayan ng Department of Health ang potensyal na kaso ng mpox sa Northern Samar.
Ito ay kasunod ng pagkakadiskubre ng dalawang karagdagang kaso ng mpox sa bansa, na nagdala sa kabuuang 12.
Ang potensyal na bagong kaso ay minomonitor sa isang ospital sa Samar.
“Now with heightened awareness and increased detection by our dermatologists and other primary care provider nakikita natin ngayon ating cases na most likely [nandiyan] sa paligid,” pahayag ni Department of Health (DOH) spokesperson Albert Domingo.
Anang DOH, nakakatanggap ito ng ulat ng lima hanggang 10 suspect mpox cases kada araw bagama’t hindi ito naglalabas ng impormasyon hangga’t hindi makumpleto ang laboratory tests.
Ang karaniwang sintomas ng mpox ay ang skin rash o mucosal lesions, na tumatagal ng dalawa hanggang apat na lingo.
May kasama itong lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng muscle, back pain, low energy at namamagang lymph nodes.
Kahit sino ay maaaring tamaan ng mpox at maaaring maipasa ang virus sa ibang tao sa close at intimate contact ng sinuman na nauna nang nahawaan nito sa pamamagitan ng kontaminadong gamit gaya ng damit o kutsara.
Inaabisuhan ang publiko na gumamit ng sabon at tubig upang mapatay ang virus, at pwede ring gumamit ng gloves kung maghuhugas ng kontaminadong gamit.
“Intimate contact kapag nagyakapan, naghalikan or nakipagtalik ayun prolonged ‘yan which means it becomes medium to high risk especially since hindi nakikita ng pasyente ang buong katawan nila maaaring sa harapan wala nakikitang butlig pero ‘yun pala sa likod o sa bandang ari ay mayroon,” ani Domingo.
‘Pag nagkaroon ng sexual contact na prolonged high risk na ‘yun,” dagdag niya. RNT/JGC