MANILA, Philippines – Inaresto ang 18 miyembro ng Kingdom of Jesus Christ matapos buwagin ng pulisya ang rally sa harap ng compound nito sa Davao City nitong Lunes, Agosto 26.
Binaklas din ng mga awtoridad ang mga barikadang inilagay sa lugar.
Sa ulat, 18 ang naaresto dahil sa mga reklamo ng obstruction of justice.
Nagsimula ang rally ng mga miyembro ng KOJC noong Sabado ng umaga nang magtungo sa compound ang nasa 2,000 pulis para isilbi ang warrant of arrest laban sa puganteng lider na si Apollo Quiboloy
Nahaharap si Quiboloy ng mga reklamong child and sexual abuse at human trafficking.
Ayon sa abogado ng KOJC, ang pagtitipon-tipon ay legal at pasok sa “state of necessity” sa ilalim ng Civil Code.
Sinabi pa ng grupo na hindi nirespeto ng pulisya ang human rights nang halughugin ng mga awtoridad ang compound na hindi sakop ng warrant of arrest.
Anang Davao regional police, legal din ang aksyon dahil mayroong tsansa na si Quiboloy at iba pang akusado ay nasa loob lamang ng compound. RNT/JGC