Home NATIONWIDE Posibleng lugar para sa nuclear power plants tinukoy ng DOE

Posibleng lugar para sa nuclear power plants tinukoy ng DOE

237
0

MANILA, Philippines — Ilang lugar sa bansa ang tinukoy ng Department of Energy (DOE) bilang mga posibleng pagtayuan ng nuclear power plants, ayon sa pahayag ng ahensya nitong Huwebes, Enero 22.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Science and Technology, sinabi ni DOE Director IV Patrick Aquino na ang mga potensyal na lokasyon ay resulta ng pisikal na inspeksyon at teknikal na pagsusuri na isinagawa ng Nuclear Energy Program–Inter-Agency Committee (NEP-IAC) na pinamumunuan ng DOE.

Ayon kay Aquino, kabilang sa mga nananatiling angkop na lokasyon ang ilang lugar sa Bataan, kasama ang kasalukuyang kinaroroonan ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP).

Binanggit din niya ang mga posibleng site sa Labrador, Pangasinan, ilang bahagi ng Camarines Norte, pati na sa Puerto Princesa, Palawan, at Masbate.

Matatandaang sinabi ng DOE na target ng pamahalaan na magkaroon ng commercially operational nuclear power plants pagsapit ng 2032, na may paunang 1,200 megawatts na maidagdag sa power mix ng bansa. Layunin itong palakihin sa 4,800 megawatts pagdating ng 2050.

Ayon pa kay Aquino, may ilang power generation companies na nagpahayag na ng interes sa nuclear energy, ngunit wala pa umanong pormal na aplikasyon na naisusumite.

Aniya, hinihintay pa ng mga kumpanyang ito ang pag-usad ng PhilATOM bill at resulta ng ilang pag-aaral bago tuluyang magpatuloy.

Nakikita umano nila ang nuclear power bilang isang low-carbon energy source na makakatulong sa pagpapalawak ng renewable energy sa bansa.

Kasabay nito, patuloy na tinatalakay ng Senate Committee on Science and Technology, sa pamumuno ni Senador Bam Aquino, ang Senate Bill No. 1206 o ang panukalang Philippine Nuclear Liability Act.

Samantala, iginiit ni Dr. Carlo Arcilla, direktor ng DOST–Philippine Nuclear Research Institute (PNRI), na ang pinakamabilis na paraan para makapasok ang bansa sa nuclear energy ay ang muling pagbuhay sa BNPP, ngunit aniya, naging biktima ito ng pulitika.

Binigyang-diin din ni Arcilla ang mga salik na dapat isaalang-alang sa pagtatayo ng nuclear plant, tulad ng pag-iwas sa mga lugar na malapit sa aktibong bulkan gaya ng Taal at Mayon, sa mga aktibong fault line, at sa mga flood-prone na lugar.

Dagdag pa niya, kinakailangan ang pahintulot ng lokal na komunidad, kabilang ang pagkuha ng Environmental Compliance Certificate (ECC) na dumaraan sa public consultation.

Noong Setyembre 2025, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang batas na lumikha sa Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilATOM), isang independent at quasi-judicial body na mangangasiwa sa ligtas na paggamit ng nuclear energy at radiation sources sa bansa. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here