Home NATIONWIDE Posibleng pagbili ng mga fighter jet mula US, ikinatuwa ng solon

Posibleng pagbili ng mga fighter jet mula US, ikinatuwa ng solon

MANILA, Philippines – Ikinatuwa ng mambabatas ang posibleng pagbili ng Pilipinas ng mga fighter jet mula sa Estados Unidos.

“Sa tagal na ng modernization plan hindi na bago ito at suportado po natin ang anomang hakbang na ginagawa ng ating Sandatahang Lakas, ng ating pamahalaan, at ng administrasyon na palakasin ang ating defense capability,” saad sa pahayag ni House Assistant Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre.

“Alam mo malaking bagay po sa overall security natin bilang isang bansa, hindi lang ho sa politika, hindi lang ho sa seguridad, maging sa ating ekonomiya na masigurado na kung ano mang pagbabanta ay kaya nating tumindig at meron tayong kahit lang naman na ‘yung defense capability,” ipinunto pa niya.

Sa pahayag noong Martes, sinabi ng US Defense Security Cooperation Agency (DSCA) na inaprubahan na ng US State Department ang posibleng pagbebenta ng 20 F-16 jets sa Pilipinas.

Sinabi rin ng DSCA na ang US$5.5 billion, o nasa P315 billion F-16 sale ay makakatulong sa Philippine Air Force na mapalago nito ang “ability to conduct maritime domain awareness” at “enhance its suppression of enemy air defenses.”

Samantala, sinabi naman ni Executive Secretary Lucas Bersamin na ang planong pagbili ng mga fighter jet ay hindi para gamitin sa isang bansa kundi upang palakasin lamang ang defense posture ng Pilipinas. RNT/JGC