MANILA, Philippines – Excited na si Vice President Sara Duterte na umuwi ng bansa, ngayong naisaayos na ang core defense team para sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi naman nito binanggit ang eksaktong petsa ng pagbabalik niya sa Manila.
“Everything is organized with the lawyers. And there is already a system for the family with regard to the visiting here in the detention unit,” sinabi ni Duterte sa isang ambush interview.
“Yes, yes. I’m excited to go home. I’ll just book the travel arrangements to go home,” dagdag pa niya.
Matatandaan na sinabi ni VP Sara na hindi siya aalis sa The Hague hangga’t hindi naitatatag ang legal team para sa kanyang ama at hanggat hindi dumarating ang ibang kapamilya na titingin sa dating Pangulo.
Sa panayam nitong Biyernes, Abril 4, sianbi ni VP Sara na nakipagkita na ang kanyang ama sa bagong abogado nito at isinasapinal na ang iskedyul para sa mga pagpupulong sa mga abogado at liaison system.
Matatandaan na inaresto si Duterte sa Manila noong Marso 11 at inilipad patungong The Hague, Netherlands kung saan ito humarap sa International Criminal Court kaugnay sa crimes against humanity na umano’y nagawa sa war on drugs ng kanyang administrasyon.
Isinagawa ang pretrial hearing ng ICC noong Marso 14, at itinakda naman ang confirmation of charges hearing sa Setyembre 23. RNT/JGC