MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) nitong Lunes ang pansamantalang pagbabawal sa pag-import ng mga poultry products mula France matapos mag-ulat ang European country ng Avian Influenza (AI) outbreak noong Agosto 7.
“Kami ay nagpapataw ng pagbabawal bilang isang preemptive measure upang matigil ang pagpasok ng mga infected na ibon at ang kanilang mga by-products sa bansa. Ang hakbang na ito ay maiiwasan ang pagkalat ng virus na maaaring magkaroon ng mapangwasak na epekto sa lokal na industriya ng manok,” sabi ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa isang pahayag.
Sa ilalim ng DA Memorandum Order 40, saklaw ng pagbabawal ang pag-aangkat ng mga domestic at wild birds o shipment ng live poultry, poultry products, at by-products kabilang ang day-old chicks at semen.
Suspendido rin ang pagpapalabas ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearances (SPSIC) mula sa Bureau of Animal Industry (BAI) para sa mga kargamento mula sa nasabing bansa.
“Tanging mga ibon na kinatay o mga produktong naproseso bago ang Hulyo 25, 2024, ang papayagang makapasok sa Pilipinas,” sabi ng DA.
Ang Pilipinas ay umangkat ng 150,752 kilo ng poultry products mula sa France mula Enero hanggang Agosto ngayong taon. RNT