Home NATIONWIDE Power line hazards tinututukan na ng DOE sa nakaambang La Niña

Power line hazards tinututukan na ng DOE sa nakaambang La Niña

MANILA, Philippines- Nagsimula nang maghanda ang Department of Energy (DOE) para pagaanin ang panganib na kaakibat ng nagbabadyang La Niña phenomenon at tiyakin ang energy security sa bansa.

Sinabi ni DOE Assistant Secretary Mario Marasigan na kabilang sa contingency plans ay bawasan ang malaking pinsala sa electric power infrastructure, partikular na sa transmission lines, dahil sa nagbabadyang mapaminsalang weather phenomenon.

“La Niña naman po ang pinaghahandaan na namin ngayon, kasi pagpasok naman po ng La Niña kapag humalo sa tag-ulan, sobra naman po ang tubig,” ayon kay Marasigan.

“Iyong ating transmission line, iyong mga distribution utilities, ito po iyong ating pinaghahandaan na sana hindi naman maapektuhan,” dagdag na wika nito.

Nito lamang nakaraang buwan, tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ginagawa na ng administrasyon ang paghahanda para sa La Niña.

Sa ngayon, ani Marasigan, sapat pa ang suplay ng kuryente at walang ‘alert levels’ na kasalukuyang ipinatutupad.

“The supply of electricity has stabilized amid challenges brought by El Niño and climate change,” dagdag na wika nito.

“Since Thursday, wala po tayong alert,” wika ng opisyal.

“In fact, iyong projection natin na 13,900 nalagpasan po noong April 24, dito sa Luzon. Umabot po tayo ng 14,017 megawatts, so lagpas po tayo. Eh na-tiyempo iyon pong mga planta na naapektuhan noong El Niño, particularly iyong mga hydropower facilities natin dahil kulang ang ulan bumaba iyong level ng tubig. Pinepreserba po natin iyong tubig para sa irigasyon at saka domestic use,” ayon kay Marasigan.

Samantala tinukoy naman ni Marasigan ang pinaigting na pagsisikap ng DOE sa pag-monitor ng kuryente habang itinatatag ang dynamic communications kasama ang power plant operators at pag-maximize sa social platforms para makakuha ng impormasyon.

Aniya, wala namang nakikita ang DOE ng anumang manual o pag-anunsyo ng red alert sa mga darating na araw. Kris Jose