Home NATIONWIDE ‘Power outage sa Western Visayas, agad solusyonan’ – Bong Go

‘Power outage sa Western Visayas, agad solusyonan’ – Bong Go

MANILA, Philippines – Mariing nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa Department of Energy (DOE) at National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na solusyonan ang malawakang pagkawala ng kuryente sa Western Visayas.

Nabahala si Go sa malawakang power outage sa Kanlurang Visayas dahil sa matinding epekto nito sa pang-araw-araw na buhay ng mga residente, partikular sa pangangalaga sa kalusugan, edukasyon, at mga negosyo.

Binigyang-diin ng senador na dapat kumilos ang gobyerno upang mapagaan ang mga paghihirap ng mga mamamayan sa sitwasyong ito.

“Nakakalungkot at nakakadismaya ang malawakang kawalan ng kuryente sa buong Western Visayas. Hindi lang ang pang-araw-araw na kalagayan ng kabuhayan ng mga kababayan natin ang apektado, kundi lalo na ‘yung mga ordinaryo at mahihirap na mga Ilonggo na walang kapasidad bumili ng sariling generator, ang pinakaapektado rito,” ani Go.

Sinabi ni Go na apektado maging ang mga ospital kasama ang lahat ng kritikal na kagamitang medikal na posibleng magresulta ng buhay at kamatayan.

Halos 300 pampublikong paaralan sa Panay Island nagsuspinde ng kanilang face-to-face classes. Malaking pagkalugi naman ang naranasan ng mga negosyo dahil sa mga nasirang kalakal at non-operational equipment. Ang lahat nang ito ay negatibong nakaapekto sa kalidad ng buhay at produktibidad ng buong rehiyon, ani Go.

Bilang miyembro ng Senate Committee on Energy, sinabi ni Go na hindi katanggap-tanggap ang matagal na power outage kaya nanawagan siya sa DOE at NGCP na magtulungan at gumawa ng pangmatagalang solusyon upang maiwasan ang katulad na insidente sa hinaharap.

“Trabaho ng gobyerno ang ibigay ang nararapat na serbisyo at pagaanin ang dinadalang bigat at hirap sa buhay, lalo na ng mga pinakanangangailangan nating mga kababayan!”giit niya.

Nabahala rin ang lokal na komunidad ng negosyo, lalo ang Iloilo Economic Development Foundation, ukol sa masamang epekto ng outage kaya humiling sila ng masusing pagsisiyasat at pagpapabuti ng imprastraktura.

Iniuugnay ng NGCP ang outage sa multiple plant trippings at idiniin ang pangangailangang maisaayos ang energy resource management.

Ikinatuwa naman ng DOE ang panawagan para sa imbestigasyon sa power outages na nakaapekto sa Panay Island. RNT

Previous articleIvana, taken na!
Next articleLolo nahulog sa bike, dedbol