MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Philippine Ports Authority (PPA) ang pag-iinspeksyon sa mga pantalan sa bansa bilang bahagi ng paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero na uuwi sa kani-kanilang probinsya sa peak season.
Partikular na ininspeksyon ang Port of Lucena at Port of Balanacan ni PPA General Manager Jay Santiago kasama sina Assistant General Manager for Operations Atty. Mark Jon S. Palomar at Assistant General Manager for Engineering Engr. James Gantalao.
Sinuri ng mga opisyal ang kasalukuyang mga proyekto sa pantalan, kabilang ang ginagawang passenger terminal building, upang matiyak ang maayos at napapanahong implementasyon ng mga ito at ang patuloy na pagpapabuti ng mga pasilidad para sa publiko.
Kasama ang mga kinatawan ng mga shipping line, nagsagawa rin ng pulong ang PPA, Philippine Coast Guard (PCG), at Maritime Industry Authority (MARINA) upang talakayin ang daloy ng mga pasahero at kargamento sa Port of Lucena at Port of Balanacan.
Tinalakay rin sa pulong ang mga hakbang para sa mas episyenteng pamamahala ng pila at trapiko sa pantalan lalo na sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa darating na peak season.
Kasama rin sa tinalakay ang planong pagpapatupad ng online appointment system para sa mga pasaherong gagamit ng Port of Lucena upang masiguro ang ligtas, maayos, at maginhawang biyahe ng publiko sa mga pantalan.