Home NATIONWIDE Puganteng Koreano, timbog sa Batangas

Puganteng Koreano, timbog sa Batangas

176
0

MANILA, Philippines – NAARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) Fugitive Search Unit ang isang South Korean national na wanted sa kasong fraud matapos ang isinagawang operasyon sa Laurel, Batangas.

Kinilala ang naarestong dayuhan na si Kim Yong Cheol, 62, na nahuli noong Marso 4 sa kahabaan ng Tagaytay–Nasugbu Highway sa Barangay Niyugan matapos isilbi ng mga awtoridad ang mission order laban sa kanya.

Ayon sa BI, nadakip si Kim matapos makatanggap ng reklamo ang mga awtoridad na gumagamit umano siya ng pekeng pagkakakilanlan upang magsagawa ng mga mapanlinlang na transaksyon.

Lumalabas sa imbestigasyon na nagpapanggap umano itong Pilipino gamit ang mga pekeng dokumento ng civil registry at pasaporte upang maitago ang kanyang tunay na pagkakakilanlan.

Batay sa tala ng Interpol, naglabas ito ng Red Notice laban kay Kim noong Pebrero ngayong taon kaugnay ng kasong fraud sa South Korea.

Ayon sa mga awtoridad sa Korea, umano’y niloko ni Kim ang ilang biktima noong 2009 sa pamamagitan ng pagpapanggap na may kumpanya siya sa Pilipinas na nagpapatakbo ng gaming firm, travel agency, at online shopping platform.

Pinangakuan umano niya ang mga investor ng kita na aabot sa 250% hanggang 450% depende sa laki ng kanilang puhunan. Dahil dito, tinatayang mahigit KRW 1 bilyon ang nakuha niyang pera mula sa mga biktima.

Lumabas din sa rekord ng BI na dumating si Kim sa Pilipinas noong 2009 bilang temporary visitor, ngunit wala na itong naitalang extension ng visa o pagbabago ng immigration status, dahilan upang maituring siyang overstaying alien.

Nalaman din na may Watchlist Order at Blacklist Order na laban sa kanya dahil sa pagiging fugitive from justice.

Sa kasalukuyan ay nakadetine si Kim sa kustodiya ng Bureau of Immigration habang isinasagawa ang proseso ng kanyang deportation pabalik sa South Korea. Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here