MANILA, Philippines – Pinayagan ng Philippine Ports Authority (PPA) ang hiling ni Gov. Humerlito “Bonz” Dolor na ipagpaliban ang implementasyon ng pagtataas ng passenger terminal fees sa Batangas Port habang nasa ilalim ng state of calamity ang Oriental Mindoro dahil sa epekto ng mga nagdaang pagbaha.
“Bagaman nauunawan natin ang pagtaas ng mga gastos ng Asian Terminals Incorporated o ATI, napapanahon ba ito?” saad sa pahayag ni Gov. Dolor.
Ayon kay PPA General Manager Jay Daniel Santiago, nakausap na nito si Dolor at siniguro sa kanya na hindi muna ipatutupad ang pagtataas sa terminal fee upang hindi na makadagdag sa bigatin ng mga apektadong residente ng Mindoro.
“Tayo naman kasama si Sec. Vince Dizon,tayo naman ay pumayag na hindi tayo magpapatupad ng kahit anong increase habang ang Oriental Mindoro ay nasa state of calamity” ani Santiago sa panayam ng ABSCBN News.
Matatandaan na naghain ng petisyon ang Batangas Port operator na ATI sa PPA para magtaas ng passenger terminal fee at gawing P100 mula sa kasalukuyang P30.
Ani ATI communications officer Dominador Bustamante, gumastos ang kompanya para pagandahin ang Batangas Port at mga serbisyo roon.
“Nararapat naman na mabawi natin at syempre maipagpatuloy natin ang mataas na antas ng lebel ng serbisyo publiko sa pantalan ng Batangas sa pamamagitan ng pagtaas naman ng nararapat na singil sa ating passenger terminal fee,” aniya.
Tinutulan naman ng mga residente ng Mindoro at Romblon ang panukalang pagtataas.
“Masyadong biglaan, from P30 to P100, yun po ay medyo mabigat sa aming mga commuters dahil ang mga nagbibiyahe sa amin ay mga estudyante, mga public servants o mga sa gobyerno and mga farmers, fisherfolks” ayon kay Romblon Governor Trina Firmalo-Fabic.
Dahil dito ay naghain ng petisyon ang probinsya ng Romblon at iba pang munisipalidad ng pagtutol sa petisyon ng ATI.
Ani Santiago, nagtapos na ang public consultation sa mga stakeholder at pinakinggan ang kanilang mga posisyon, at ngayon ay sinusuri na ng PPA ang petisyon ng ATI.
Siniguro naman ng PPA sa publiko na kahit maaprubahan ang pagtataas sa terminal fee, mananatili itong ‘waived’ para sa mga estudyante, senior citizens, persons with disabilities (PWDs), uniformed personnel, at mga pamilya ng Medal of Valor awardees. RNT/JGC