MANILA, Philippines – Ibinunyag ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang umano’y modus na kinasasangkutan ng ilang kongresista o kanilang kamag-anak na nagsisilbi ring kontratista sa mga flood control at iba pang infrastructure projects, na nagreresulta sa overpricing o substandard na konstruksyon.
Sa panayam nitong Linggo, Agosto 10, sinabi ni Lacson na kilala sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang sistemang tinatawag na “passing through,” kung saan kailangang magbayad ng limang porsyento na fee ang isang kontratista kung gagawa ito ng proyekto sa distrito ng mambabatas na kontratista rin o may kamag-anak na kontratista.
“Usually five percent pero minsan umaabot sa six. Kapag binawas ito sa pondo ng proyekto, mapipilitan ang kontratista na gumamit ng substandard materials o mag-shortcut. Naiiwan tuloy ang gobyerno sa alanganin,” ani Lacson sa panayam ng DZBB.
Matapos umanong mabayaran ang “passing through” fee, buwis, at komisyon, minsan ay mas mababa pa sa 40 porsyento ng kabuuang halaga ang napupunta sa mismong proyekto. Bago pa nito, sinabi ni Pangulong Marcos na may hawak siyang listahan ng mga kontratistang sangkot sa anomalya sa flood control projects.
Ibinahagi rin ni Lacson ang ilang halimbawa ng shortcut sa mga proyekto, gaya ng paggawa ng 50 metro ng dike sa halip na 150 metro ayon sa plano, o paghuhukay ng sheet piles nang tatlong metro lang imbes na anim, na nagreresulta sa madaling pagkasira ng istruktura.
Dagdag pa niya, may mga pagkakataong hindi hinahalo ang graba sa buhangin, kaya mahina ang pundasyon at madaling masira kapag tumaas ang tubig dahil sa bagyo.
“People die during floods brought by cyclones. That is the worst part,” aniya.
Patuloy umano niyang bineberipika ang impormasyon sa mga pumalpak at ghost flood control projects at bukas siyang makipagkumpara ng datos sa Malacañang batay sa listahan ng DPWH.
Pinuri rin ni Lacson ang alok ni San Miguel Corp. president Ramon Ang na maglinis ng mga ilog at daluyan ng tubig nang walang gastos sa gobyerno, at hinimok ang Palasyo na hikayatin ang iba pang malalaking kumpanya at negosyante na magtulungan para solusyunan ang pagbaha.
Kung matutupad ang alok ni Ang, sinabi ni Lacson na maaaring bawasan ang pondo para sa flood management ng Metro Manila sa 2026 budget para sa DPWH at MMDA. RNT/JGC