Home NATIONWIDE Prayoridad sa upgrading ng kapasidad ng PAGASA, hirit ng solon

Prayoridad sa upgrading ng kapasidad ng PAGASA, hirit ng solon

MANILA, Philippines – Hiniling ng isang senador sa gobyerno na bigyang prayoridad ang pagpapaunlad ng kagamitan at sistema ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) upang mas maging tumpak at nasa tamang panahon ang pagtataya ng lagay ng panahon na magpapatingkad sa paghahanda at pamamahala ng kalamidad.

Sa kanyang pagsasalita sa pagdinig ng Senate Finance Subcommittee K sa badyet ng Department of Science and Technology’s (DOST) sa 2025, sinabi ni sub-panel chair Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri na kailangan ngayon ang mas mahusay na weather forecasting technology upang protektahan ang buhay at maiwasan ang disasters.

“This is a failure of us to inform the people about the weather, and it is a failure of us, as a government, to warn them about the geohazard areas,” ayon kay Zubiri, na siyang magdedepensa ng DOST budget sa plenary.

Naisabay ang budget briefing sa pagpapalabas ng 2024 World Risk Report, na itinuring ang Pilipinas bilang most disaster-prone sa mahigit 193 bansa.

Ikinadismaya ni Zubiri na maraming buhay ang nawawala sanhi ng bagyo at iba pang natural disaster sanhi ng kakapusan ng bansa sa weather forecasting capabilities tulad ng nakaraang Typhoon Enteng.

Sunod-sunod na dinurog ng nakaraang bagyo ang maraming bahagi ng bansa partikular sa Kamaynilaan na nilubog ng bansa sa kabila ng mahigit 5,500 flood control projects ang iniulat na nagawa ng administrasyon sa nakalipas na taon.

Bukod dito, sinabi pa ni Zubiri na sanhi ng hindi makatotohan ang weather warnings, nagdedeklara kaagad ang suspensiyon ng klase na malaking epekto sa edukasyon ng kabataan.

“It really boggles the mind, and it happens a lot, that school is called off on a particular day, tapos napakainit sa labas, walang ulan,” ayon kay Zubiri.

“This has an adverse effect on the education of our students, and on the economy as well,” dagdag niya.

Kapag nagkamali sa weather assumptions, sinususpendi kaagad ang trabaho sa pambansa at lokal na pamahalaan kabilang sa pribadong sektor ng ilang araw na nagpapabawas sa produksiyon na lubhang nakakaapekto sa ating ekonomiya.

Ipinunto ni Zubiri na kumikilos ang PAGASA sa limitadong kagamitan dahil 11 lamang sa 19 na Doppler radars ang umaandar na isang kritikal na gamit sa pagsubaybat sa ulan, bagyo at thunderstorms.

Sanhi ng kakapusan ng kagamitan, napipigilan ang abilidad ng PAGASA na magbigay ng tamang impormasyon sa kalagayan ng panahon.

“Bakit sa ibang bansa, they can detect the time of rainfall down to the hour? For example, from 10 in the morning to noon, uulan. Bring your umbrella. Dito sa atin, sinasabi lang palagi, ‘Today will be sunny, but with scattered rain showers and storms.’ Ibig sabihin, baka umulan, baka hindi,” giit ni Zubiri.

Sa kanyang tugon, sinabi ni Zubiri na bibigyan ng karagdagang pondo ang PAGASA.

“Kapag may pagkukulang, baka pwede nating dagdagan ang equipment ninyo. Baka pwede nating dagdagan ang inyong training, or what software or hardware that you need,” ayon kay Zubiri.

Nangako ang senador na tutulungan ang PAGASA na makabili ng makabagong s Doppler radars, at iba pang modernong kagamitan.

Umabot lamang sa P290.9 milyon ang ibinigay ng badyet ng Palasyo sa PAGASA dahil kinaltasan ang panukalagang P49.253 bilyon ng DOST tungo sa kakarampot na P28.772 bilyon na inaprubahan sa National Expenditure Program. Ernie Reyes