Home NATIONWIDE Mpox vax sa Pinas ‘di pa kailangan – DOH

Mpox vax sa Pinas ‘di pa kailangan – DOH

Tiwala ang Department of Health (DOH) na hindi pa kailangan ng suplay ng bakuna sa Pilipinas laban sa mpox sa kabila ng naitalang karagdagang mga kaso.

Binigyang-diin ni Health Secretary Ted Herbosa na pangunahing susi para maiwasan at mapigilan ang pagkalat ng virus ay kalinisan.

Sinabi ni Herbosa, hindi tulad ng tigdas at Covid-19 , mas madaling makontrol ang pagkalat ng Mpox basta’t nasisiguro ang malinis na kapaligaran at pangagatawan.

Sa kabila nito, inamin ni Herbosa na nakapila na ang Pilipinas sa World Health Organization para sa 2,500 doses ng Mpox vaccine.

Gayunman, ang Pilipinas ay hindi pa kasali sa mga prayoridad na bigyan dahil nagkasundo ang health minister ng iba’t ibang bansa na ibuhos ang vaccine supply sa mga bansang may outbreak ng Mpox, gaya sa Africa.

Ayon pa kay Herbosa, uunahin sa pagbabakuna ang mga “high risk” o mataas ang tsansang mamatay gaya ng mga may HIV at iba pang sakit sakaling makatanggap ng bakuna ang bansa laban sa mpox.

Kamakailan nang aprubahan ng WHO ang isang bakuna laban sa Mpox sa “global use” o para magamit na rin sa iba’t ibang bansa.

Ayon pa sa health secretary, mahalaga na nagpapatingin upang matukoy at ma-isolate .

Aniya, kayang-kayang makontrol ang mpox kaya hindi ito nakakabahala kahit hindi pa dunating ang bakuna. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)