MANILA, Philippines – Pinalawig pa ng isang araw ang pre-trial conference para sa impeachment ni Vice President Sara Duterte dahil sa dami ng mga dokumentong kailangang markahan, ayon sa impeachment clerk of court na si Rey Bantug nitong Lunes.
Ayon kay Bantug, umaabot sa humigit-kumulang 4,000 dokumento ang kailangang suriin para sa Article I na tumatalakay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds. Dahil dito, hindi umano natapos sa takdang oras ang proseso ng pagmamarka ng ebidensya.
Sinabi rin ng defense team ni Duterte na inaasahan nilang maaaring umabot pa hanggang Huwebes ang pre-trial, ngunit umaasa silang matatapos ito sa lalong madaling panahon.
Sa kasalukuyan, ang pre-trial ay nakatuon sa pagmamarka ng ebidensya para sa Articles I at II, na tumatalakay sa umano’y anomalya sa confidential funds at unexplained wealth.
Ayon sa korte, nasa “on track” pa rin ang proseso at target pa rin itong matapos sa Hunyo 25, ngunit maaaring magbago depende sa bilis ng pagproseso ng mga dokumento. RNT/MND