MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng mga opisyal ng Kalamansig sa Sultan Kudarat ang preemptive evacuation ng mga residente sa coastal barangays dahil sa patuloy na mga pagyanig sa nakalipas na dalawang araw.
Nitong Miyerkules ng gabi, Enero 21 ay sinabi ni Kalamansig Mayor Ronan Eugene Garcia na ang lokal na pamahalaan ay nananatiling naka-full alert dahil sa patuloy na seismic activity.
“Your safety is our priority. Pack up and let us move to an elevated and safe place,” sinabi ni Garcia.
Bilang precautionary measure, nagpatupad si Garcia ng temporary ban sa pangingisda at lahat ng sea-related activities dahil sa posibleng banta ng serye ng mga aftershock.
Sa datos bandang 9:50 ng gabi, nakapagtala ang munisipalidad ng magnitude 4.5 na lindol 47 kilometro kanluran ng naturang bayan.
Ani Garcia, ang tuloy-tuloy na mga pagyanig na ito ay nagdulot ng pangamba sa mga residente at takot pa sa posibilidad ng tsunami kung may malakas pang lindol na tatama.
“Successive minor quakes could be an indication of a stronger one, so we are on alert here.”
Sa inisyal na ulat mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, nakitaan ng malalaking bitak sa pader ang limang silid-aralan sa Kalamansig.
Ipinag-utos na ni Sultan Kudarat Gov. Datu Pax Ali Mangudadatu ang patuloy na suspensyon ng klase at pasok sa mga pampublikong opisina sa coastal towns ng Kalamansig, Lebak at Palimbang.
Inatasan na ni Mangudadatu ang provincial disaster workers na maghanda ng sapat na food at non-food items sa mga mangangailangan nito.
Pinaghanda rin ang Sultan Kudarat Mobile Hospital para sa pagbibigay ng first-aid services at basic medicines sa mga apektadong komunidad. RNT/JGC