MALOLOS CITY, BULACAN — Sinabayan ng kilos-protesta ng ilang estudyante ng Bulacan State University (BSU) ang press conference ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas na isinagawa sa E-library Building ng state university.
Sigaw ng mga estudyante, ang BSU ay hindi lugar para sa mga pulitiko at hindi ito angkop na venue para sa kanilang pagtitipon.
Giit ng mga estudyante, ang kolehiyo at unibersidad ay “free space” at hindi dapat pinapasok ng mga pulitiko.
“Wala ho kaming balak manggulo. Ang nais lang namin ay magpanawagan dahil bilang Iskolar ng Bayan, kami rin ang unang-unang naapektuhan ng bawat proyekto ng bawat kandidato na ine-endorso ng BulSU administration. Ang espasyo ay para sa estudyante, hindi para sa pulitiko,” pahayag ng isa sa mga protesters.
Kasama din sa pinoprotesta ng mga estudyante ang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos at maging ang pamumuno ni Vice President Sara Duterte.
Dumepensa naman ang mga Alyansa bets sa isinagawang protest rally, aminado sila na nabigla sila sa pagsalubong ng mga protesters.
Sinabi ni Senatorial aspirant Panfilo Lacson na wala silang kinalaman sa venue ng press conference.
“Unang-una, wala po kaming kinalaman dito, hindi nga namin alam na dito kami pupunta until last night, ako particularly. So, ‘yon, tama rin naman ang mga estudyante, naintindihan natin ‘yong situation nila pero sana ‘wag naman kaming sisihin, kasi kami naimbitahan lang kaming pumunta dito,” ani Lacson.
Nabigla din umano si Senatorial aspirant Erwin Tulfo na unibersidad ang venue ng prescon.
“Nagulat nga ako, nagsisigawan ‘yong mga estudyante. Naalala ko tuloy noong estudyante ako. Pero may punto nga naman sila, kaya ‘yong sinasabi ni Senator Lacson. Ang eskuwelahan, dapat ilayo sa mga politiko. Dapat walang politics dito. Ewan ko kung sino ang naglagay sa amin dito. We really don’t know. Nagulat na lang ako, akala ko mayroon kami sa sports center complex daw, biglang sabi kanan mo diyan sa Bulacan State. Sabi ko, akala ko mag-lunch lang. Pero dito daw ‘yong presscon, dito ‘yong media, kaya nang mag-rally nga kanina, sabi ko, yari. Sabi ko, ang istorya bukas, Alyansa ni-rally ng mga estudyante,” paliwanag pa ni Tulfo.
Nilinaw ni Tulfo na imbitado lamang sila at hindi nila ito pagkakamali.
“Because dapat talaga naman huwag sa mga eskuwelahan. Off-limits dapat sa school,” ani Tulfo.
Sa ngayon ay inaalam na ng Alyansa kung sino ang nag-ayos ng press conference.
Samantala, ang campaign sortie ay isinagawa naman sa Malolos Sports Complex. Gail Mendoza