Nasunog ang Dangdangla Elementary School sa Bangued, Abra noong Miyerkules ng madaling araw, ilang araw bago ang eleksyon sa Mayo 12.
Iniimbestigahan pa ang sanhi ng sunog, kung saan 70% ng voting center ang nasira.
Wala pa namang naihatid na automated counting machines (ACMs) sa lugar.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, pansamantalang sinuspinde ang final testing and sealing ng ACMs ngunit ito’y ipagpapatuloy.
Iginiit ni Garcia na hindi ililipat ang botohan.
“Magtatayo kami ng makeshift. Isang presinto lang ang apektado at may natirang dalawang silid-aralan,” aniya. Sa mahigit 35,000 botante sa Bangued, tiniyak niyang matutuloy ang eleksyon at paiigtingin ang seguridad.
“Kahit sunugin niyo pa ang mga paaralan, doon pa rin kami magpapa-botohan. Nakakagalit—para sa mga bata ang mga eskwelahan,” dagdag niya.
Inaalam pa ng Comelec kung ilalagay sa kontrol ang Abra, depende sa pagsusuri ng sitwasyon ng kapayapaan sa lugar. RNT