Home NATIONWIDE Presensya, karapatan sa WPS mapalalakas ng groundbreaking ng Pag-asa Church

Presensya, karapatan sa WPS mapalalakas ng groundbreaking ng Pag-asa Church

125
0

MANILA, Philippines — Pinaniniwalaang mas mapapalakas ang presensya at karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang simbahan sa Pag-asa Island, ayon sa mga opisyal.

Personal na dumalo sa groundbreaking si dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, na muling bumisita sa isla makalipas ang mahigit isang dekada.

“Ang daming bago dito. It looks a lot better now,” ani Carpio, sabay banggit sa mga inisyatibong nagpabuti sa pasilidad ng isla, kabilang ang runway.

Binigyang-diin ni Carpio na patuloy ang pagsisikap ng Pilipinas na makuha ang suporta ng international community kasunod ng 2016 arbitral ruling.

“We are doing everything we can to get the world behind it… Only China has no ally,” aniya.

Pinangunahan naman ni Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona ang kauna-unahang misa sa isla at sinabing magsisilbing sentro ng pananampalataya at pagkakaisa ang itatayong simbahan para sa mga residente at government personnel.

“Magiging sagisag ito ng kanilang pagiging isang komunidad,” ani Mesiona, na umaasang agad masisimulan ang konstruksyon sa tulong ng mga donor.

Ayon kay PCG spokesperson for WPS Rear Adm. Jay Tarriela, ang pagdami ng mga opisyal na bumibisita sa Pag-asa Island ay patunay ng matatag na paninindigan ng bansa sa pag-angkin ng teritoryo.

“This shows the commitment of the government to strengthen our presence in the West Philippine Sea,” aniya.

Matapos ang aktibidad, nagsagawa ng maritime domain awareness flight ang Philippine Coast Guard kung saan nasilayan ang mga istrukturang itinayo ng China sa Subi Reef at Mischief Reef.

Ayon sa mga piloto, may natukoy na Chinese aircraft na sumubaybay sa kanilang eroplano, habang naglabas din umano ng flares at nagbigay ng radio challenges ang mga pwersa ng China.

Iginiit ni Carpio na ang Mischief Reef ay nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas, kaya’t walang ibang bansa ang may karapatang magtayo ng istruktura rito.

Dumaan din ang flight sa Ayungin Shoal, kung saan nananatiling nakapwesto ang BRP Sierra Madre bilang simbolo ng presensya ng bansa sa lugar.

Sa kabuuan, ipinakita ng aktibidad na patuloy ang Pilipinas sa pagpapalakas ng presensya, komunidad, at soberanya sa WPS sa paraang mapayapa ngunit matatag. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here