MANILA, Philippines – Tiniyak ni Senate President Sherwin Gatchalian na tututukan ng Senado ang lahat ng panukalang batas na magbibigay-ginhawa sa ekonomiya tulad ng pagpapababa sa presyo ng pangunahing bilihin, langis, at paghahanda sa paparating na Super El Niño, kabilang ang ayuda sa mga biktima ng lindol sa Mindanao.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na gagawing prayoridad ng Senado ang mga higit na kinakailangang hakbang na magpapasigla sa ekonomiya sa gitna ng tumataas na halaga ng bilihin, produktong petrolyo, at iba pang problemang pang-ekonomiya ng bansa.
Dahil dito, nanawagan si Gatchalian sa lahat, mayorya man o minorya, na isantabi ang pagkakaiba sa pulitika at kumilos nang nagkakaisa upang tugunan ang malaking hamong kinahaharap ng bansa.
“Naririnig namin kayo. Sa gitna ng mataas na presyo ng langis at bilihin, epekto ng lindol sa Mindanao, banta ng Super El Niño, at iba pang mahahalagang usapin, iisa ang inaasahan ng taumbayan: malasakit, aksyon, at resulta,” aniya.
Iginiit ni Gatchalian ang responsibilidad ng Senado na maghatid ng kongkretong resulta at tiyakin na aayon ang Kapulungan sa panawagan ng publiko para sa responsive governance.
“Batid ng buong Senado ang panawagan ng mamamayan: magtrabaho ang Lehislatura, tugunan ang mga suliraning kinahaharap ng ating bansa, at unahin ang tunay at agarang pangangailangan ng ating mga kababayan,” aniya.
Tinanggap ni Gatchalian ang posisyon nang may pagpapakumbaba, inilalarawan ang panguluhan ng Senado hindi bilang indibiduwal na kapangyarihan kundi bilang institutional stewardship at public accountability.
“Ang pagkakataong maglingkod bilang Senate President ay hindi pangkaraniwang karangalan. Ito ay araw-araw na panawagan na maging huwaran sa paglilingkod,” aniya. “Higit sa lahat, ang tungkuling ito ay pananagutan — sa Senado, sa ating Saligang Batas, at sa sambayanang Pilipino.”
Nangako siya na kanyang itataguyod ang isang bukas at solution-oriented na Senado na nakaugat sa serbisyo sa mamamayang Pilipino.
“Ang nais natin ay isang Senado para sa tao. Isang Senado na bukas sa pakikipag-usap. Isang Senado na nakatuon sa solusyon,” ayon kay Gatchalian.