ILOILO CITY – Nagbabala ang mga medical expert sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng stroke, lalo na sa mga nasa edad 30 hanggang 50, at hinikayat ang publiko na agad magpatingin sa doktor kapag nakaranas ng mga sintomas nito.
Sa isang media forum nitong Martes, sinabi ni Dr. Ryndell Alava, chairperson ng Department of Neuroscience at head ng Brain and Spine Center ng Western Visayas Medical Center (WVMC), na patuloy ang pagdami ng mga stroke patient na tinatanggap ng ospital.
Matapos maitatag ang Department of Neuroscience noong 2024, nakapagtala ang WVMC ng mahigit 800 kaso ng stroke. Umabot naman sa higit 2,000 ang naitalang kaso noong 2025, habang nasa apat hanggang limang stroke patient kada araw ang kasalukuyang tinatanggap ng ospital.
“This is one of the reasons why we wanted to have this public awareness program, because we wanted to address the increasing cases that are being brought to us. Most of these cases are middle-aged individuals, from age 30-50, working group, at the start of their career. Most of these cases are severe,” ani Alava.
Ipinaliwanag niya na ang stroke o “brain attack” ay isang medical emergency na katulad ng atake sa puso at nangangailangan ng agarang gamutan.
Ayon naman kay Dr. Dureza Abad, section chair ng Department of Neuroscience Adult Neurology Head Stroke Services, 75 porsiyento ng mga kaso ng stroke ay may kaugnayan sa mga risk factor gaya ng hypertension, hindi tamang pagkain, stress, paninigarilyo at madalas na pag-inom ng alak.
“If we can control the risk factors, there is a lesser chance of suffering from stroke,” ani Abad.
Pinayuhan din ng mga eksperto ang publiko na regular na bantayan ang kanilang blood pressure, blood sugar, cholesterol level, body mass index at waist circumference.
Hinimok din nila ang agarang pagpapatingin sa doktor kapag nakaranas ng pagkawala ng balanse, pagkahilo, malabong paningin, paglaylay o pamamanhid ng mukha, panghihina ng braso o binti, at hirap sa pagsasalita. Santi Celario