MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ni Labor Secretary Francis N. Tolentino ang mga foreign national at kanilang mga employer na tiyaking may kaukulang employment permits bago magtrabaho sa Pilipinas, kasunod ng isinasagawang imbestigasyon kay dating Ateneo de Manila University Men’s Basketball Head Coach Tab Baldwin.
Sinabi ni Tolentino na bukod sa Alien Certificate of Registration (ACR), na para lamang sa paninirahan, kinakailangan ding magkaroon ng valid Alien Employment Permit (AEP) ang mga dayuhang nais magtrabaho sa bansa.
“Kapag may ACR ka, pinapayagan kang manirahan sa Pilipinas. Kapag may AEP ka, pinapayagan kang magtrabaho. Iyon ang pagkakaiba,” ani Tolentino.
Binigyang-diin ng kalihim na hindi legal na makapagtrabaho ang isang foreign national nang walang AEP at maaari itong magdulot ng pananagutang legal sa manggagawa at employer.
“May mga legal na kahihinatnan… Halimbawa, isa na rito ang deportation. Pero ayon sa mga patakaran ng DOLE, bago ang deportation, kailangan muna nilang magsilbi ng kulong mula tatlong buwan hanggang tatlong taon,” dagdag niya.
Pinaalalahanan din ni Tolentino ang mga paaralan at iba pang employer na mahigpit na sundin ang mga nakasaad sa employment contract ng kanilang mga dayuhang empleyado.
“Sa tingin ko dapat nilang pagtuunan ng pansin ang saklaw ng employer-employee relationship, ang status ng empleyado, at trabahong ginagawa sa labas ng campus… dapat limitahan nila ang sarili nila sa apat na sulok ng employment contract,” aniya.
Ayon sa DOLE, ipinakikita ng kasalukuyang kaso ang kahalagahan ng pagsunod sa labor at immigration regulations upang maprotektahan ang mga manggagawa at institusyon.
Nauna nang sinabi ni Tolentino na binigyan ang kampo ni Baldwin hanggang Hunyo 25 upang magsumite ng verified answer at mga supporting documents, habang itinakda sa Hunyo 29 ang pormal na pagdinig sa kaso. Jocelyn Tabangcura-Domenden