MANILA, Philippines – SUMIRIT na ang presyo ng mga bulaklak ngayong disperas ng Undas.
Ang bulaklak na nasa maliit na styro ay nagkakahalaga ng P150, habang ang isang piraso na dati ay P35 o 3 for P100 ay tumaas na sa P50–P75 kada isa.
May mga bulaklak rin na mabibili sa halagang P200, P300, hanggang P500.
Ang carnation ay nasa halos P300 kada 10 stems, samantalang ang Malaysian mums ay pumapalo na sa P450–P600 kada isang dozena.
Ang mga flower arrangement sa basket ay nag-iiba ang presyo depende sa dami ng bulaklak at disenyo, na nagsisimula sa P300 at aabot sa P1,000.
Ayon sa mga tindera sa Manila North Cemetery (MNC), aabot sa 50–200 pesos ang itinaas ng presyo ng mga bulaklak mula sa Dangwa, kaya bahagyang tumaas din ang kanilang presyo.
“Tumaas kasi ang presyo ng bulaklak sa Dangwa, kaya kailangan din naming magtaas ng presyo dahil mataas ang hango namin,” ani si Aling Ana, isang tindera sa MNC.
Ang presyo naman ng kandila ay tumaas rin:
Maliit na kandila: P25 bawat isa, o P60 ang tatlo
Malalaking kandila: P120–P150
Kandila sa baso o special: P160, habang ang posporo ay P10 bawat isa
Sa kabila ng pagtaas ng presyo ng bulaklak at kandila, mabenta pa rin ito sa publiko na bumibisita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Sa ngayon, umabot na sa 1,200 katao ang bilang ng mga bumisita sa MNC. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)